Ni MARIO B. CASAYURAN
Binawi na ng liderato ng Senado ang 90-araw na suspensiyon laban kina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.
Binawi ang suspension order ni Enrile noong Nobyembre 28 habang kay Estrada, ayon sa chief of staff nitong si Atty. Racquel Mejia, ay noong Sabado.
Kapwa nahaharap sa kasong plunder at graft sina Estrada, Enrile at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan matapos isangkot sa multi-bilyong pisong “pork barrel scam.”
Samantala, nakatakdang bawiin ang suspension order kay Revilla sa Enero 31, 2015.
Nangangahulugan ito na maaari nang maghain ng mga panukala o resolusyon sina Estrada at Enrile at makatatanggap na rin sila ng suweldo at iba pang benepisyo mula sa Mataas na Kapulungan, ayon kay Mejia.
Ngunit, aniya, mananatili pa rin ang dalawa sa kanilang piitan sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame hanggang hindi nadedesisyunan ng Sandiganbayan ang petisyon ng mga ito para makapagpiyansa.