MAY bagong pelikula ang KimXi, sa direksiyon ni Mae Cruz-Alviar, kaya buhay na buhay na naman ang loyal supporters nina Kim Chiu at Xian Lim na nasa presscon ng Past Tense noong Martes ng tanghali.
Romantic comedy ang tambalang KimXi plus comedy queen herself, Ai Ai de las Alas kaya tiyak na sasakit ang tiyan sa kakatawa ng mga manonood sa Nobyembre 26.
Base sa trailer ay nakakaaliw naman ang bagong Star Cinema lalo na sa eksenang tinataray-tarayan ni Kim ang sobrang matabang si Xian na may gusto sa kanya.
Parang hindi naman nalalayo ang eksenang mataba si Xian sa pelikulang My Big Love noong 2008 nina Toni Gonzaga, Kristine Hermosa at Sam Milby na pumayat din sa dulo.
Ang pagkakaiba lang ay nakita na ni Kim ang future niya na gagampanan ni Ms A samantalang na-challenge naman si Xian sa kakataray ng babaeng gusto niya kaya nagpapayat nang husto hanggang sa naging hunk.
At dahil Past Tense ang titulo ng pelikula, tinanong ang cast kung ano ang gusto nilang kalimutan sa nakaraan nila lalo na sa lovelife nila.
Kuwento ni Ai Ai: “Sa akin base sa pagkakakilala ninyo sa akin, wala! Never akong na-tense sa past ko, never. Hindi ako maka-relate. Never akong maka-relate sa past ko, kasi plastic ako, ha-ha-ha.”
Sagot ni Kim: “Oo naman, nakaka-tense naman talaga ang past, pero kapag nag-future tense na, wala na talaga ang past.”
Sabi naman ni Xian: “Katulad po ng sinabi ni Kim, nakaka-tense naman talaga ang past, but once napagdaanan mo na ‘yung tensiyon na ‘yun, ‘yung future mas malinaw na at mas ma-appreciate na ‘pag dumating sa ‘yo.”
May past experiences ba sila na hindi nila makalimutan, at bakit?
“Back in high school (sa Amerika), kakadating ko lang po sa school, marami pong may ayaw sa akin, hindi naman dahil sa ugali ko, I’m just different kasi galing po akong Pilipinas at nakiki-bonding lang ako,” kuwento ni Xian. “Sa school po, hindi po ako medyo naiintindihan so maraming haters, maraming nagbubully kasi hindi ka nila gusto.
“So, in high school, I felt very alone, I felt very sad, so maybe kung sana mababalikan ko lang ‘yun at mas sana kumilos ng tama sa harapan ng tao, siguro marami akong naging kaibigan noong high school at mas nahulma pa po sana ako ngayon dahil siyempre kung anuman ‘yung pinagdaanan ko noon, iyon ako ngayon. Sana hindi na ako masyadong mahiyain ngayon, sana mas nakakapag-reach out of ako sa mga tao, so ‘yun po ‘yung gusto kong baguhin sana, lagyan ng tuldok.”
“Gusto kong lagyan ‘yung sa amin ng mama ko at papa ko,” sabi naman ni Kim. “‘Yung parang hindi ko sila masyadong pinapahalagahan kasi… parang… bakit ninyo kami iniwan? Nandoon po ‘yung galit ko, siguro nagtatanong kung bakit. Ilang years po kaming hindi okay ng papa ko, saka life is short kaya kalimutan ang dapat kalimutan. ’Yung mga taong iyon na sana nagsama kami, nagkaroon ako ng father figure kung hindi ko na lang siya blinock sa buhay ko, ‘yun, saka mama ko rin.
“Mabalik ko man, sana nagkaroon ako ng father figure sa pagkatao ko. Ngayon, I’m making up for it, sayang sana noong bata pa ako.”
“Ang gusto ko nang tuldukan, dati kasi may angst ako na hindi ako naging flight stewardess,” seryoso namang sabi ni Ai Ai. “’Tapos ngayon ‘pag nakasakay ako sa eroplano ngayong artista na ako, ‘tapos sila ‘yung nagse-serve, maganda rin naman pala na naging artista ako kasi ako ‘yung tulog at kung naging flight stewardess ako ‘yung gising at nagsisilbi, di ba? At least ngayon, natutulog ako sa eroplano, di ba, although puyat din ako as artista, pero at least, hindi rin naman ako nakatayo roon forever, nakakatulog ako. Nakakatulog din naman sila at parehong maganda rin naman ang damit namin.
“Pero kung tungkol naman sa lovelife ko, tinultudukan ko na po ‘yan, kinalimutan ko na, ayoko nang balikan na ikinasal ako ng 29 days. Gusto ko in the future maging 29 years naman kaming kasal ng future ko.”
So, bagay sa tatlong bida ang titulo ng pelikula nila – palabas na sa Nobyembre 26 -- dahil bawat isa ay may nakaraan na hindi nila makalimutan.