Isang 48-anyos na driver ang namatay matapos pagsasaksakin lalaking nakaaway ng kanyang anak sa Sta. Cruz, Manila nitong Linggo ng gabi.

Batay sa ulat ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), dakong 2:00 ng madaling araw ng Lunes nang ideklarang patay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Edgar Arceo, residente ng 1450 Lope de Vega Street, sa Sta. Cruz, Manila dahil sa saksak sa likod.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na si Jerick De Leon, 20, fish ball vendor, at residente ng 1452 Lope De Vega Street, Sta. Cruz, Manila.

Batay sa ulat ni Det. Charles John Duran, may hawak ng kaso, dakong 8:00 ng gabi nakasalubong ni Erwin Bumalay, 18, anak ng biktima, ang lasing na ama ng suspek at inakusahan siya na nagnakaw ng gulong ng kanilang tricycle. Nang dumating si Jerick at kapatid nitong si Jason ay agad nitong sinuntok si Erwin, na nasaksihan naman ng biktima. Umawat si Edgar at pagkatapos ay umuwi ang mag-ama. Ngunit habang kumakain sa harapan ng kanilang tindahan ay dumating ang suspek at sinaksak ang biktima. Matapos malapatan ng lunas sa ospital ay iniuwi ng bahay ang biktima ngunit nanikip ang dibdib nito at namatay.
National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20