Kylie Padilla and Rayver Cruz

INAMIN ni Rayver Cruz na kahit matatakutin talaga siya ay mahilig siyang manood ng horror movies.

“Pero nakatakip ‘yung mukha ng ganito,” sabay muwestra ng kamay na nakasilip ang mga mata, tumatawang kuwento sa amin ni Rayver nang makatsikahan namin siya sa presscon ng Dilim na palabas na sa Miyerkules, Oktubre 22 mula sa Regal Entertainment at direksiyon ni Jose Javier Reyes.

Hindi ba nahihiya si Rayver malaman ng girlfriend niya na matatakutin siya?

National

Maza kay VP Sara: 'Hindi ikaw ang bida dito kundi ang taumbayang kinauutangan mo!'

“Eh, wala, dapat tanggapin niya ‘yun” humahalakhak na sagot ng binata habang katabi ang leading lady niyang si Kylie Padilla na nakatingin sa kanya.

At inamin din ng aktor na nakasama na niya si Kylie na manood ng sine, ang Liam Neeson movie na A Walk Among the Tombstone.

“Pero hindi kaming dalawa lang, may mga kasama kami,” paglilinaw agad ni Rayver dahil baka makarating kay Robin Padilla, ama ni Kylie, na aminado naman ang aktor na inirerespeto niya.

Paano iniingatan ng binata ang pagkakaibigan nila ni Kylie?

“Madali namang ingatan ang pagkakaibigan. Ako naman kapag nagkaroon ng kaibigan talagang kaibigan, hindi dahil sa trabaho lang, hindi naman ako shooting friend.

“So, kahit na hindi man maging kami katulad ng gusto n’yo (entertainment press), mananatiling kaibigan ko siya, kasi ako, looking forward pa akong magkaroon ulit kami ng project together kasi masaya talaga siyang kasama,” sagot ng aktor.

Wala ni isang tao kaming naringgan na hindi mabuting kaibigan si Rayver o mapagsamantala, halos lahat ay puring-puri ang binata.

Nanghihinayang lang kami na hanggang ngayon ay wala pa siyang serye sa ABS-CBN, ang huling project niya ay ang Bukas Na Lang Kita Mamahalin noong 2013.

May plano ba siyang lumipat sa GMA?

“Wala pa namang ganu’n,” sagot niya.

“Kung lilipat ka, ako magiging leading lady mo,” salo ni Kylie sabay tingin sa binata na natawa.

“Hindi naman kasi ako mainiping tao, eh, hindi ako nagmamadali. Alam ko na may ibibigay at ibibigay sa aking project ang ABS, sa tagal ko naman sa kanila kaya I’m pretty sure na bibigyan ako,” pagtatanggol ng aktor sa TV network niya.

Baka ipinararamdam sa kanya na hindi na siya kailangan kaya hindi na siya binibigyan ng project?

“Tingnan natin, as of now kasi masaya naman ako sa ABS, eh. May mga out of the country shows naman, so nakakatulong naman,” depensa pa rin ng binata.

Itinanong din namin kung may communication pa sila ng ex-girlfriend niyang si Cristine.

“Wala na, tagal na. Nakikita ko na lang pictures niya sa Instagram, masaya naman siya kaya hayaan na natin siya.”

Totoo nga bang buntis si AA?

“Ay, hindi ko alam, hindi ako nagtatanong at hindi rin siya nagsasabi. Kung anuman ang kalagayan ngayon ni Cristine, naniniwala akong paninindigan niya iyon.”

Samantala, wala sa bansa si Rayver sa ginanap na premiere night ng Dilim dahil nasa Australia siya at diretsong Canada para sa TFC shows.

At balita namin ay nawalan ng mahigit $15,000 si Rayver na katatanggap lang niya bilang talent fee sa show niya sa Australia dahil pinasok ang bahay nila noong nasa ibang bansa siya kaya sobrang lungkot ng binata.