“Pera na naging bato pa!”
Halos magdilim ang paningin ng dapat sana’y nanalo ng P12.3 milyon sa Lotto 6/42 matapos matamaan ang kanyang lucky combination noong Oktubre 2.
Base sa ulat ng ABS-CBN noong Biyernes ng gabi, inakala ni Antonio Failon Mendoza, overseas Filipino worker, na nasa kamay niya ang kapalaran nang mabunot ang tinayaan niyang 09-21-31-36-40-41 at makukubra na niya ang jackpot na P12,391,600.
Subalit habang naghahanda si Mendoza upang magtungo sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para kubrahin ang jackpot ay nakuha ng kanyang apo ang ticket at aksidenteng nalukot ito.
Sa puntong ito, inutusan ng biyenan ni Mendoza ang bata na plantsahin ang ticket upang maunat. At nang plantsahin ang winning lotto ticket, nasunog ang bahagi ng thermal paper at hindi na makita ang ilan sa mga numero at security feature nito.
At dahil mahigpit ang pagpapatupad ng PCSO sa patakaran nitong “no ticket, no payment,” walang naiuwing jackpot prize si Mendoza.
“Naplantsa ‘yun ticket niya. Nabura ‘yung mga numero. Paano namin matitiyak kung nanalo siya talaga o hindi?” pahayag ni PCSO General Manager Jose Ferdinand M. Roxas II. - Edd K. Usman