Hangad ng Philippine Under 17 Volleyball Team na makapagtala ng kasaysayan sa pagkubra ng medalya sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Youth Girls U-17 Championship na gaganapin sa Oktrubre 11 hanggang 19 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Magtutungo sa Oktubre 9 ang 14 na manlalaro at anim na opisyal, kasama ang isang referee, na bitbit ang pag-asa matapos na makahanap ng pribadong kompanya na susuporta sa Philippine Girls Youth Volleyball Team.

Sinabi ni Philippine Volleyball Federation (PVF) Secretary General Rustico “Otie” Camangian na mataas ang moral at agresibo ang batang koponan na susuportahan ni Engr. Mariano See T. Diet na may-ari ng isang kompanya ng construction.

“Nakahinga na kami ng maluwag dahil sa suporta ni Engr. Diet para sa mga bata. We are expecting these girls to be the future of our national volleyball squads,“ sabi ni Camangian.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang koponan ay nasa ilalim ng pamamahala ni PH U17 coach Jerry Yee kasama ang assistant na sina Raymond Castillo at Emilio Reyes Jr.

Umaasa naman ang PH girls youth volley team sa isang magandang kampanya sa pagbabalik sa torneo matapos ang mahabang panahon na pamamahinga.

Sinabi ni Camangian na ito ang unang pagkakataon, matapos ang anim na taon, na muling sasabak ang youth team sa torneo na tumapos sa ika-11 noong 2008 kung saan isinagawa ang torneo sa Philsports Arena.

“We placed 11th out of 16 teams. We hope to surpass that considering this will be the first time the PVF will be sending a national squad to an international meet under the leadership of president Karl Chan,” giit ni Camangian.

“We’re looking to make the quarterfinals because we want to maximize the exposure of the team,” pahayag pa nito.

Ang Pilipinas ay nasa Pool C kasama ang powerhouse China, India, at Australia. Magkakasama sa Pool A ang host Thailand, Hong Kong at New Zealand habang nasa Pool B ang nagtatanggol na kampeong Japan, Kazakhstan at Vietnam. Nasa Group D ang Chinese Taipei, Korea at Iran.

Hangad naman ni Yee na maipakita ng koponan ang tibay at tatag sa pakikipaglaro kontra sa Chinese, kung saan umaasa itong makakapagtala ng maigting na panalo kontra sa Australians at Indians.

“We’re hoping to be competitive against India and Australia. We want to utilize our speed, because the smaller you are, the quicker a team you should be,” dagdag ni Yee. “Ang India kasi nagpatayo ng sarili nilang volleyball academy kaya asahan natin na mahigpit ang laban habang halos even tayo sa Australians.”

Ang 14-man youth team ay binubuo nina Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Ejiya Laure, Maristela Geen Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Maria Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Marie Teope, at Catlin Viray.

Tatayo si Engr. Diet bilang team manager, habang si PVF presidente Geoffrey Karl Chan ang siyang head of delegation.

Ang dalawang koponang may magandang karta sa bawat pool ang uusad sa quarterfinals habang ang mapapatalsik ay maglalaro sa classification phase.

Ang mangungunang dalawang koponan, matapos ang torneo, ang magpiprisinta naman sa rehiyon ng Asya sa gaganaping World Youth Girls U-17 Championship.

“World qualifier ito, pero wala pang venue kung saan lalaruin, although the top two teams will advance to the world championship,” sinabi ni Camangian.