Matapos ang 11 buwan ng pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, nakabalik na sa Pilipinas noong Huwebes ang 133 tauhan ng Philippine Navy mula sa Haiti bilang bahagi ng regular rotation mula sa bansa sa Carribean na nababalot sa kaguluhan.
Pinangunahan ni Gen. Gregorio Catapang, Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff, ang welcome ceremony sa pagdating sa Villamor Airbase sa Pasay City ng 17th Peacekeeping Forces to Haiti na, sa unang pagkakataon, ay pinamumunuan ng isang babae.
Si Capt. Luzviminda Camacho ang unang naitalagang female commander ng Pinoy peacekeeping force.
“The Philippine Navy’s intent to annually provide peacekeepers internationally is in line with its bid to go beyond its traditional roles and to surge forward to serve and to succeed the right and honorable way,” pahayag ni Lt. Commander Marineth Domingo, tagapagsalita ng Philipine Navy.
Naiwan ang 24 na Pinoy peacekeeper sa Haiti bilang bahagi ng protocol.
Ang 24 na peacekeeper na naiwan sa Haiti ang magsasanay sa papalit na contingent na umalis sa bansa noong Setyembre 22, ayon kay Domingo.
Naatasan ang mga Navy peacekeeper na bantayan ang perimeter ng Force Headquarters ng UN Mission to Haiti, magbigay ng administrative at logistics clerical service, i-operate ang mga sasakyan at magbigay ng seguridad sa mga VIP ng Force Headquarters. - Aaron Recuenco