Patay ang drug pusher nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsagawa ng buy–bust operation sa Misamis Oriental kamakalawa ng hapon.

Sa report ni PDEA Director Geneneral Arturo G. Cacdac, Jr. kinilala ang napatay na suspek na si Lani Matabalao, alyas “Long Hair,” 29, ng Zone 5, Barra, Opol, Misamis Oriental.

Si Matabalao ay napatay ng mga tauhan ng PDEA-Regional Office 10 (PDEA-RO10) na pinamunuan ni Director Emerson Margate at Opol Municipal Police Station sa naganap na running gun battle sa Vamenta Subdivision, Barra, Opol, Misamis Oriental.

Nasamsam sa napatay na suspek ang walong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P64,000, isang magnum 357 revolver na may tatlong bala, P500 marked money at iba’t ibang drug paraphernalia na nakalagay sa bag. Isinugod pa ng mga PDEA agent si Matabalao sa isang ospital kung saan ito ideneklarang dead-on-arrival bunga ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. - Jun Fabon
National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20