Jane Oineza

BAGAMAT pabor kaming nanalo si Daniel Matsunaga sa Pinoy Big Brother All In ay bet din namin si Jane Oneiza na mag-uwi ng titulo dahil sa ipinakita niyang katatagan sa lahat ng mga pagsubok sa loob ng Bahay ni Kuya.

Marami kasing nairita sa pagiging taklesa at prangka ni Jane kaya kapag may challenges na ibinibigay si Big Brother ay wala siyang kakampi kaya mag-isa niyang hinaharap, at bumilib kami dahil naipapasa niya ang mga iyon at hindi namin nakitang nag-tantrums siya.

Subok na subok kung gaano katatag at katiyaga si Jane na sa edad na disiotso ay napaka-mature niya kumpara sa ibang kasing edad niya.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Gusto namin si Jane dahil sa ilang beses na naming interview sa kanya ay hindi namin siya naringgan na naiinip na siya sa bagal ng usad ng career niya gayong magaling siyang umarte.

Naikuwento niya ang buong buhay niya hindi para magpaawa kundi dahil makulit kami para alamin ang lahat at nalaman namin na breadwinner siya, nangungupahan pa lang sila somewhere in Pasig City at nagdyi-jeep kapag may lakad at kapag nagmamadali at nakabihis ay nagta-taxi.

Kahit maliit ang bayad sa kanya sa TV guestings ay tinatanggap niya para magkaroon ng exposure.

“Minsan po, ‘pag maaga pa, nagdyi-jeep kami para makatipid sa pamasahe, kasi kapag nag-taxi, doon lang mapupunta ang bayad sa akin, eh, magpapa-makeup pa po ako,” kuwento niya nang huling panayam namin sa kanya sa set visit ng Muling Buksan Ang Puso sa Laiya, Batangas.

Noon pa kami nagtataka kung bakit mailap ang big break kay Jane at sa PBB nga namin nalaman kung bakit, marahil ay maraming naiirita sa ugali niyang taklesa, diretsong magsalita, kaya baka nai-intimidate sa kanya ang ibang hindi kayang sakyan ang ugali niya.

Ganu’n naman talaga, di ba, Bossing DMB? Kapag magaling at hindi ‘showbiz’, kadalasan ay hindi feel ng mga taong-showbiz. Si Jane kasi ay masyadong totoo.

Kaya nang ikuwento niya kay Kris Aquino sa guesting niya sa Aquino & Abunda Tonight noong Miyerkules na kasama siya sa isang serye ay natuwa kami dahil finally, may regular show na si Jane Oneiza.

“Sobrang blessing din po na right after PBB, biglang may ganitong nangyayari,” sabi ng dalaga.

Tinanong siya ni Kris kung bida o kontrabida ang papel niya sa nasabing serye, “Parang hindi naman po (bida na kontrabida). ‘Yung character nag-sa-stand lang talaga, kung ano ‘yung sinasabi niya, kung ano ang decision niya.”

Matagal na naming alam ang panghapong teleseryeng ito nina Vina Morales, Denice Laurel, Ina Raymundo at Christian Vasquez, pero wala noon ang pangalan ni Jane sa cast kaya siguro nag-look test siya noong Martes para isama na rin siya, finally.

Ang titulo ng teleserye ay Nasaan Ka Nang Kailangan Kita, ‘yan ay kung hindi babaguhin.

Sana sa pamamagitan ng PBBAI ay dumami na ang projects ni Jane para makapagpatayo na rin siya ng sarili nilang bahay at makabili ng sariling sasakyan.