NEW YORK (AP) - Tumigil si Serena Williams sa pagtatago mula sa kasaysayan at inumpisahang gumawa ng mas marami nito.
May dalawang taon na ang nakalilipas, hindi niya pinakinggan ang anumang usapin tungkol sa mga record at iba pang unang pangyayari sa kanyang career. Ngayon, sinasabi na niya ito nang malakas.
Sa pagpasok sa U.S. Open, ang susunod niyang tatargetin ay makapantay ay ang dalawang tennis greats at ilista ang ikalawang pinakamaraming major titles sa Open era sa 18.
“Obviously just getting closer to tying with Chris (Evert) and Martina (Navratilova),” aniya. “But been doing that all year and still hasn’t happened. Not going to stress out about it anymore.”
Naipit si Williams sa 17 mula nang manalo sa U.S. Open mahigit isang taon na ang nakalipas. Nang nagumpisa siyang makipagtambal kay coach Patrick Mouratoglou sa kalagitnaan ng 2012, hinimok siya nito na yakapin ang pagtatala ng mga bagong rekord. Nagawa ni Williams na makopo ang apat sa anim na sumunod na Grand Slam titles, isang Olympic gold medal, at dalawang sunod na WTA Championships sa isang kahangahangang 16-month run.
Ngunit sa unang tatlong major tournaments nitong 2014, hindi man lamang siya nakaabot sa quarterfinals. Ang kanyang huling appearance sa entablado ng Grand Slam ay natapos sa isang kagulat-gulat na paraan nang mag-pull out siya mula sa kanyang Wimbledon doubles match dahil umano sa isang viral illness.
Inakala ni Evert na malalampasan na siya ni Williams ngayon, o ‘di kaya’y hinahabol na nito ang Open-era record ni Steffi Graf na 22 major titles.
Nakuha ni Evert ang kanyang ika-18 at huling major sa edad na 31, ang kaparehong edad ni Williams nang maglaro ito sa Flushing Meadows noong 2013. Mas nagiging mahirap umano ang motivation para sa kanya dahil sa mental fatigue sa bawat season.
“You just are not as fresh,” sambit ni Evert. “Some days you just don’t want to get out of bed.”
Sa kabila ng lahat ng ito, nananatili si Williams bilang paborito sa Flushing Meadows sa huling major tournament para sa taon. Target niyang makahanay si Evert bilang mga natatanging babae na nakapanalo ng tatlong sunod na titulo sa Open era, na nagsimula noong 1968.
Si Williams ay seeded No. 1 sa New York para lamang sa ikatlong pagkakataon, isang nakagugulat na numero para sa isang manlalaro na naging top-ranked player sa mundo sa loob ng 204 linggo sa kanyang career. Sa unang dalawang beses, napanalunan niya ang kampeonato.
Ang limang titulo ni Williams sa 2014 ang pinakamarami sa WTA tour, walang ibang manlalaro na mayroong mahigit sa tatlo. Sa huling pitong Grand Slam events, ang limang titulo na hindi napanalunan ni Williams ay napunta sa limang iba’t ibang manlalaro, at dalawa sa mga ito ay hindi sa Flushing Meadows, ang nagretirong si Marion Bartoli at injured na si Li Na.
Si five-time major champion Maria Sharapova ang may pinakamalakas na pagbabanta sa ngayon, ngunit tila hindi na siya kasing talas maglaro mula nang makuha ang ikalawang titulo sa French Open noong Hunyo.
Si Petra Kvitova ay nagmula sa kanyang pagwawagi sa Wimbledon, ngunit palagi itong nahihirapan sa Flushing Meadows at hindi pa nakakaabot sa quarterfinals. Matapos ang kanyang unang pagwawagi sa Wimbledon noong 2011, natalo siya sa unang round ng U.S. Open.
At si Victoria Azarenka, ang runner-up kay Williams sa huling dalawang taon, ay nakikipaglaban sa injuries sa buong taon. Halos ganito rin ang scenario sa mga kalalakihan. Matapos manalo sa Wimbledon at ikasal, ang top-seeded na si Novak Djokovic, sa kanyang mga sariling salita, ay “emotionally a little bit flat” sa kanyang mga pagkatalo ng maaga sa dalawang hard-court tournaments.
“I was a bit slow, I have to say, to get into the competition mode,” sabi ni Djokovic. “It was a very unique five, six weeks that I had with the wedding and winning Wimbledon and getting back to No. 1 in the world. I couldn’t ask for more. I was extremely fulfilled and happy with where I am in my life.”
Samantala, hindi pa nakababalik si Andy Murray sa kanyang championship form matapos sumailalim sa isang back surgery. At para sa 33-anyos na si Roger Federer, maaaring ito na ang kanyang huling pagkakataon upang manalo ng isa pang major title.