HiNDi ako makapaniwala na si Presidente aquino ay determinado sa pagpapalawig ng kanyang panunungkulan, lalo na kung iisipin na minsan nang binigyang-diin ng kanyang tagapagsalita: kahit na sa hinagap ay hindi sumagi sa isipan ng Pangulo ang paghahangad na manatili sa kanyang trono.

Manapa, higit na kapani-paniwala na kagagawan lamang ng kanyang mga kaalyado ang pagpapaugong ng isyu hinggil sa term expansion. Marahil, ang mga ito ay nangangamba lamang na sapitin nila ang kapalarang bumabagabag ngayon sa ilang lingkod ng bayan, kabilang na ang ilang mambabatas, na nagdurusa sa mga detention center dahil sa kabikabilang asunto ng pandarambong na isinampa laban sa kanila. Hindi ba ang ilan sa kanila ay isinangkot sa nakadidismayang P10 billion pork barrel scam? Dangan nga lamang ay tila hindi sila masaling ng mga batas laban sa katiwalian sapagkat sila umano ay pinangangalagaan ng kapangyarihan ng administrasyon. Kapuna-puna na ang halos lahat ng ipinadakip at nakapiit ngayon ay kapanalig ng nakaraang administrasyon na, siyempre, nasa kabilang bakod, wika nga.

Pangunahing batayan ng aking paninindigan laban sa term extension ni Presidente aquino ang pamana ng kanyang angkan hinggil sa walang bahid ng katiwaliang pamamahala sa gobyerno. Unang ipinamalas ito ng dating Senador Benigno S. aquino, Jr. bilang isang marangal at matalinong mambabatas. Ganito rin ang nasaksihan ng sambayanan nang buhayin ni Presidente Cory aquino ang demokrasya na siniil ng nakalipas na mga administrasyon. Mananatiling isang buhay na pamana ang pagiging ‘icon of Democracy’ ng yumaong ina ni Presidente Noynoy Aquino.

Maraming pagkakataong ipinahiwatig ni Presidente Cory Aquino ang kanyang pagtutol sa pagpapalawig ng kanyang panunungkulan. Naniniwala ako na ang simulaing ito ang nakaukit sa isipan ni Presidente Noynoy aquino. Alam niya na ang pagwawalang-bahala sa pamanang ito ay isang paglapastangan sa alaala ng kanyang ina.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente