Judy Ann Santos

HINDI namin mabilang kung ilang beses tumulo ang luha namin habang pinapanood namin ang advance screening ang bagong reality show ng ABS-CBN na I Do, na tinawag na ‘realiserye ng tunay na pag-ibig’ sa Dolphy Theater noong Miyerkules ng gabi kasama ang hosts na sina Judy Ann Santos at Jason Gainza plus dalawang council na sina Coach Pia Acevedo at Dr. Julian Montano.

Buong akala namin, kami lang ang naiiyak, ‘yun pala halos lahat ng nanonood ay ganoon din, kaya pala sabi ni Juday sa presscon ng I Do noong tanghaling iyon sa The Oasis ay halos wala siyang ginawa kundi umiyak nang umiyak sa set na dala-dala niya hanggang pag-uwi ng bahay. Inaabot ng ilang oras bago siya makabitaw sa nararamdaman.

Oo nga, realiserye ito ng siyam na magkakarelasyon na may kanya-kanyang problema sa buhay at ‘yung iba naman ay may mga gusto pang patunayan bago magpakasal.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Aminado ang siyam na couple na magandang daan ang I Do realiserye para lalo pa nilang makilala ang isa’t isa at siyempre, interesado sila sa mapapanalunang furnished house and lot mula sa Lancaster Pro City Village sa Cavite, isang milyong piso at ang pinakaaasam-asam na grand wedding.

Ang siyam na couple ay pangungunahan nina Christian (22) at Chelsea (24), parehong modelo at tatlong buwan pa lang na magkalelasyon, pero gustung-gusto na nilang magpakasal dahil pakiramdam nila ay soulmate sila.

Business partners naman sina Emil (28) at Honey (27) na limang taon nang magkarelasyon at parehong taga-Baguio City, gusto na ring magpakasal pero hindi pa financially stable ang guy dahil wala pa raw siyang malaking ipon at sariling bahay.

Nakakaaliw panoorin sina Emil at Honey na parehong komedyante, kaya saya-sayahan ang drama naman nila sa I Do village.

Koreano si Jimmy (30) at Pinay si Kring (28) na tatlong taon nang magkarekasyon. Matiyagang tinuturuan ni Girl si Boy na magsalita ng ating sariling wika dahil pakiramdam nilang dalawa ay ang isa’t isa na ang future nila.

“Matagal akong naghintay ng lalaking gusto kong makasama kaya hindi ako nag-boyfriend at ngayong natagpuan ko na si Jimmy, he will be my first and last,” sabi ni Kring.

Neighbors in love naman ang drama nina Chad (20) at Sheila (20) na pitong taong magkarelasyon at maraming beses nang sinubok ng panahon pero nanatiling sila pa rin. Kailangan daw nilang manalo para may pag-umpisahan sila para sa future nila.

Proud young parents naman sina Miko (20) at Mariz (21) na nabiyayaan na ng anak kahit hindi pa kasal. Walang pagsisisi sa tatlong taong relasyon dahil para sa kanila ang anak nila ang naging dahilan para lalong tumibay ang kanilang pagsasama. ‘Yun nga lang, aminadong hindi pa nila kayang magpakasal dahil wala silang pera at bahay.

Maraming babaeng dumaan sa buhay ng negosyanteng si David (44) pero hindi niya naisip magpakasal dahil wala pa sa kanila ang gusto niyang makasama sa buhay bukod pa sa nag-iipon muna siya nang husto. Pero nang makilala niya si Karen (20), DJ sa kilalang radio program, nabago ang pananaw ni Mr. Gentleman at inaming gusto na niyang magkaroon ng pamilya.

Pero nang tanungin sila ni Judy Ann kung gusto na nilang magpakasal kaagad ay sumagot ng ‘no’ si David dahil pakiramdam niya ay may sagot pa siyang gustong marinig kay Karen na sa kabilang banda ay handang-handa na rin siyang pakasalan ng boyfriend kahit halos kalahati ang agwat ng edad nila.

Labing isang taon nang magkarelasyon sina Carlo (30) at Kara (28), engaged na, pero kailangan pa rin nila ng additional funds para sa future nila kaya sila sumali sa I Do.

Parehong nasa hasykul nang magkagustuhan sina Kaiser (24) at Jzajza (24) at sa walong taon nilang pagsasama bilang sweethearts ay alam nilang sila na in the future, ‘yun nga lang, hindi pa rin sila financially stable kaya kailangan nilang manalo rin sa I Do para matupad ang mga pangarap nila.

Parehong celebrity si Harry (28) na football player ng Volcanoes at si Princess (27) ay ex-girlfriend ni Tom Rodriguez na sumali na rin sa isang reality show. Marami nang dumaan sa buhay nila, pero sila ang heaven-sent sa isa’t isa. Kahit isang taon pa lang silang magkarelasyon, pakiramdam nila ay swak na swak sila sa lahat ng bagay.

Mapapanood ang I Do tuwing Sabado at Linggo kapalit ng magtatapos nang PBB All In.