Isang tatlong taong gulang na lalaki ang iniulat na nawawala at posibleng kinidnap umano ng kanyang bading na yaya sa San Andres, Manila nitong Biyernes ng hapon.

Humingi ng tulong sa Manila Police District ang mga magulang ng biktimang si “Miguel,” ng 1222 BF Munoz Street, San Andres, Manila.

Batay sa reklamo nina Jayson Jervoso, 30; at Jessel Lazarna,28, kay PO3 Adonis Aguila, dakong 2:45 ng hapon nang mawala ang kanilang anak, kasama ang suspek na si Esmeraldo Operario ng 2166 Calvin Street, Singalong, Malate, Manila.

Si Operario ay may dalawang buwan pa lamang umano nagtatrabaho bilang yaya ng biktima.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

“Hinanap na daw nila kung saan-saan pero hindi nila nakita at walang makapag turo kung nasaan yong suspek at bata,” ayon kay Jervoso.

Nalaman na may 10 taon umanong nawala sa kanilang lugar ang suspek kung saan balitang tumira umano ito sa Bicol at nang bumalik sa kanilang lugar ay namasukan ito sa mga magulang ng biktima para maging tagapagalaga ng bata.

Kasama rin umanong tinangay ng suspek ang cellphone at iPod ni Jervoso.

Sinabi naman ni Jervoso na nabaitan umano sila sa suspek kaya tinanggap nila itong maging tagapag-alaga ng kanilang anak.