Para sa maraming Pinoy, ang mga kapitbahay ay nagsisilbing extension ng pamilya dahil sa mga ugaling bayanihan, pagmamalasakit, at pakikisamang nakaukit na sa kultura at katuruan.
Gayunpaman, may mga bagay pa ring hindi maiiwasang nagdudulot ng mitsa sa pagsasamahan.
Ilan dito ay nagmumula sa maliliit na bagay tulad ng ingay sa karaoke hanggang 11 ng gabi, pag-iwan ng dumi ng alagang hayop sa tapat ng gate, o kaya’y hindi kaagad pagbalik ng gamit na hiniram.
Kaya narito ang ilang tips upang maiwasan ang mga problemang ito at maging mabuting kapitbahay sa kinabibilangang komunidad:
Iwasang mag-extend ang concert sa videoke hanggang madaling araw
Batay sa Civil Code of the Philippines (Republic Act No. 386), ingay sa isang lugar ay makokonsiderang perwisyo kung ito ay nakabubulabog na sa ibang tao.
Habang walang iisang batas sa buong bansa na partikular na tumatalakay sa noise control, lalo na sa mga videoke, maraming local government units (LGUs) ang nagbabawal o nagpapabawas sa paggamit nito sa mga oras na 10:00 PM hanggang 6:00 AM o kaya’y 11:00 PM hanggang 5:00 AM.
Irespeto ang boundaries ng iba
Konektado sa ingay mula sa pagvi-videoke, mahalagang tandaan na ang ingay na umaabot sa labas ng gate ay may posibilidad na nagdudulot ng bulabog sa kapitbahay.
Kasama rin dito ang pag-iwas sa pakiki-usyoso o pagkuha ng chismis mula sa mga pampribadong usapan; at ang paglilinis ng labas ng gate upang hindi liparin ang kalat sa karatig-bahay at posibleng mapalala ang baha sa kinabibilangang lugar.
Panatilihing malinis ang sakop na lugar
Isa pang akto ng pagrespeto sa kapitbahay ay ang pananatiling malinis ng sakop na lugar, dahil bukod sa posible nitong paglipad sa mga karatig na bahay o kaya’y pagbaha, maaari din itong pamugaran ng mga insekto na magdudulot ng perwisyo sa marami at sakit tulad ng dengue.
Bantayan ang mga alagang bata at fur babies
Mapa-alagang bata man o fur babies, ang mga ito ay obligasyon ng kaanak na kasama sa loob ng bahay dahil kadalasan, hindi pa maaasahan ang kanilang mga ikikilos.
Sa mga bata, mahalagang kalingain ito upang maiwasan ang kanilang pagkawala at lubos na pag-iyak na nagdudulot ng ingay at pagkabulabog.
Sa fur babies naman, kung hindi ito nakagawiang itali, i-train ito ng ayos at isama sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagkakalat ng dumi sa labas ng kalsada.
Iwasan ang palagiang paghiram ng pera
Habang hindi lubos na masama ang minsanang paghiram ng pera, para sa marami, ang palagiang paggawa nito ay posibleng magdulot ng lamat sa personal na relasyon sa kapitbahay lalo na kung hindi ito kaagad maibabalik at kung malaking halaga ang nahiram.
Sa tips na ito, mahalagang tandaan na kahit na likas ang pagiging mapagkalinga ng mga Pilipino, mahalagang tandaan na lahat ng tao ay nangangailangan ng respeto, sa kanilang espasyo, pinansiyal na kakayahan, at mga ari-arian.
Kung hindi naman maiiwasan ang mga alitan, mainam na maayos itong maiakyat sa mga awtoridad nang mapag-usapan nang malinaw at maayos ang problema at malutas ito.