Nagbigay ng mensahe ang kontrobersiyal na abogadong si Atty. Ferdinand Topacio sa kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands.
Sa ginanap na ika-89 Araw ng Dabaw nitong Sabado, Marso 28, sinabi ni Topacio na sa gitna ng kasiyahan para sa kaarawan ni Duterte, nagluluksa din umano sila.
“Nagluluksa tayo sapagkat kinidnap, kinulong ang ating mahal na Tatay Digong. Anong kasalanan niya? Inubos niya ang mga adik sa Pilipinas. Binaba niya ang kriminalidad. Nilabanan niya ang korupsiyon. Siya ang nakakulong,” saad ni Topacio.
Dagdag pa niya, “'Yong mga tumanggap ng male-maleta, 'yong mga nagpapayaman, sila ang namamayagpag. Kaya magluksa rin po tayo hindi lang para kay Tatay Digong ngunit para sa ating bayang inaapi.”
Sa kasalukuyan, ito na ang pangalawang beses na nagdiriwang si Duterte ng kaniyang kaarawan sa The Hague.
Sinilbi noong Marso 11, 2025 ang arrest warrant ni Duterte mula sa International Criminal Court (ICC) matapos niyang bumalik sa Pilipinas galing Hong Kong.
Nahaharap siya sa kasong crimes against humanity dahil sa implementasyon ng kaniyang madugong giyera kontra droga.