March 08, 2026

Home BALITA

Misis ni Rep. Suntay, nanawagang huwag siyang idamay, mga anak sa isyu ng asawa: 'We are not public figures!'

Misis ni Rep. Suntay, nanawagang huwag siyang idamay, mga anak sa isyu ng asawa: 'We are not public figures!'
Photo courtesy: Shiela Guevara/FB


Umapela ang misis ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay na si Shiela Guevara na huwag siyang kaladkarin—pati ang kanilang mga anak—sa isyung hinahaharap ng kaniyang mister hinggil sa mga pahayag na binitawan nito tungkol sa actress-host na si Anne Curtis.

Matatandaang ginawang personal na halimbawa ni Rep. Suntay si Anne tungkol sa isyu noon ng pagiging “designated survivor” ni Vice President Sara Duterte, sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaints na nakahain laban sa bise presidente.

KAUGNAY NA BALITA: 'May desire sa loob ko na nag-init talaga!' Pahayag ng solon tungkol kay Anne Curtis sinita, pinatanggal sa house records-Balita

Sa ibinahaging Instagram post ni Shiela noong Huwebes, Marso 5, nanindigan siyang hindi sila public figures” ng kanilang mga anak, kung kaya’t dapat silang ilabas sa nasabing isyu.

“I also make this appeal with all sincerity: please leave me and my children out of this. We are not public figures. My children are children. No mother should have to watch her children be targeted and harassed for something they had no part in. I humbly ask the public and media to respect that boundary. Thank you,” saad ni Shiela sa post.

Sa parehong pahayag, nanghingi rin siya ng paumanhin mismo kay Anne at sa pamilya nito, matapos ang mga ipinahayag ng kaniyang asawa tungkol sa aktres.

“To Anne Curtis and her family—I am deeply sorry. No woman should ever be spoken about that way, and I understand if words alone feel insufficient. Please know that my heart goes out to you, and I stand with you,” ani Shiela.

Giit pa niya, ang lahat daw ng kababaihan ay nararapat na tratuhin nang may respeto at dignidad.

MAKI-BALITA: Misis ni Rep. Suntay kay Anne Curtis: 'I stand with you'-Balita

Matatandaang nanghingi na rin si Suntay ng dispensa kay Anne, subalit pinanindigan nito na walang malisya ang kaniyang mga tinuran.

“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy. But kung may nasaktan, humihingi tayo ng dispensa,” saad ni Suntay.

MAKI-BALITA: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA