Hinatulang “guilty” sa kasong animal cruelty ang lalaking nahuli sa CCTV na walang habas humambalos sa isang puspin, ayon sa isang animal group sa bansa.
Base sa social media post ng The Philippine Animal Welfare Society (PAWS) noong Sabado, Marso 7, ang nasabing lalaki ay kinilalang si Keyvic Abetria, na nahatulan ng isang taon at anim na buwang pagkakakulong, na may multang ₱5,000 .
Anila pa, may kapalit ito subsidiaryong pagkakakulong sakaling hindi niya ito mabayaran ni Abetria.
“He was sentenced to 1 year, 6 months, and 1 day of imprisonment, and ordered to pay a ₱5,000 fine, with subsidiary imprisonment in case of insolvency,” pahayag ng PAWS Philippines.
Pangyayari bago ang paghahatol
Ibinahagi ng PAWS Philippines na agad naging masama ang kutob ng residente at complainant na si “Celine” nang hindi siya sinalubong ng pinaslang na pusang si “Puti” pagkauwi nito.
Saad sa pahayag, nasanay na si Celine na palaging sinasalubong ni Puti pagkauwi galing sa trabaho, kaya nang hindi ito nakita ng residente, hinanap na niya ang pusa kung saan-saan.
Nang i-check daw ni Celine ang CCTV footage sa paghahanap niya, napanood niyang hinahambalos na ni Abetria ng bakal si Puti, na naglalakad lamang sa sidewalk.
Dahil sa matinding tama, si Puti ay nakitang nanginig sa sakit bago mamatay.
Maya’t-maya pa’y napanood na nilagay lamang ni Abetria ang walang-buhay na katawan ng pusa sa isang itim na trash bag at umalis.
Paglapit ni Celine sa PAWS
Saad ng grupo, si Celine ay naging determinado upang bigyan ng hustisya ang puspin kaya agad itong lumapit sa kanilang tanggapan at nagsampa ng kaso.
Noon daw mga panahong ito, sinubukan pa ni Abetria makiusap kay Celine na i-drop ang mga kasong isinampa, ngunit nang hindi pumayag si Celine, sinubukan pang magtago ni Abetria, ngunit natunton pa rin ng mga awtoridad upang arestuhin.
Ibinahagi rin ng PAWS na naiwan ni Puti ang kaniyang tatlong kuting, na nakadepende pa rin dito sa kanilang gatas at nutrisyon sa araw-araw.
Kaya bilang pakikiramay, kinilala ng PAWS ang naging katapangan ni Celine sa pagsampa ng kaso at malasakit niya sa puspin.
“Rest in peace, Puti. Your life mattered, and justice has finally been served for you,” ani PAWS.
“Because of Celine’s courage and determination to seek justice, Puti’s suffering did not go unanswered. Animals depend on compassionate people to step in and stand up for them,” dagdag pa ng grupo.
Sean Antonio/BALITA