Napilitang ilabas sa gitna ng pagdinig ng Senado sa Estados Unidos ang isang retiradong miyembro ng Marine dahil sa pagpoprotesta nito tungkol sa nagaganap na sigalot sa pagitan ng mga bansa ng US at Israel laban sa Iran.
Ayon sa mga nag-viral video sa social media at mga pang-internasyonal na balita nitong Huwebes (araw sa Pilipinas), Marso 5, 2026, mapapanood ang pilit na na panghihila palabas ng mga US Capitol Police officer sa Senado sa isang retired US marine na kinilalang si Brian McGinnis.
Bago nito, nakaupo lang umano sa may “audience area” ang nakabihis at nakaunipormeng pang-marine na si McGinnis sa Senado noong Miyerkules (araw sa US), Marso 4, 2026, nang bigla itong manawagan sa gitna ng pagdinig.
“Commandant, please stand up, as a marine, stand up for America!” pagsisimula niya.
Ani McGinnis, “Israel is the reason for this war; America does not want to fight this war for Israel.”
Matapos nito, dalawang (2) US Capitol Police officer ang lumapit kay McGinnis at pinilit na ilabas siya sa pagdinig ng Senado.
Habang pilit na binubuhat at hinihila palabas, ipinagsigawan umano ni McGinnis na hindi gusto ng America na ipadala ang kanilang mga anak o sundalo sa giyera para sa bansang Israel.
“America does not want to send its sons and daughters to war for Israel! Your inability to name that shows your ineptness as leaders,” aniya.
Dagdag niya, “This is wrong, and nobody wants to fight for Israel.”
Matapos nito, isa pang US Capitol Police officer ang tumulong kasabay ng US senator na si Sen. Tim Sheehy sa marahas na pagpapalabas kay McGinnis.
Makikinig sa mga video na kumalat sa social media at inupload din ng activist group na kinabibilangan ni McGinnis na “Codepink” ang paglagutok o pagkabali ng braso niyang nakaipit sa pinto ng Senado.
Agad namang humupa ang tensyon sa loob ng Senado at nailabas si McGinnis.
Nakatanggap ng paunang lunas si McGinnis at tatlo pang US Capitol Police officer na kapuwa nasaktan umano sa naging mainit na tensyong sinimulan ng retiradong marine.
Ayon naman sa naging pahayag ng US Capitol Police, naaresto na at nahaharap umano sa tatlong counts of assaulting police officer at tatlong counts of resisting arrest and unlawful demonstration si McGinnis.
Bago nito, nakapag-upload pa si McGinnis sa kaniyang Instagram account kung saan sinabi pa niyang susubukan niyang manawagan sa Senado at kuwestiyonin ang mga miyembro nito sa pagpapadala ng mga sundalo sa giyera gayong nangako umano ang mga ito na hindi magkakaroon ng “world war.”
“Hey, guys. I’m here in D.C. trying to speak out against the Senate and ask them why they’re going to send our men and women to harm’s way when our elected officials said that there would be no world war,” pagsisimula niya sa video niya.
“Free Palestine! Free America!” pagtatapos pa ni McGinnis.
KAUGNAY NA BALITA: US, ipinag-utos madaliang paglikas ng mga Kano sa Middle East sanhi ng giyera
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Mc Vincent Mirabuna/Balita