Ibinahagi ng Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) nitong Biyernes, Enero 30, na anim na katawan at ilang life vests na ang kanilang mga narekober mula sa 12 araw ng nagpapatuloy na “search and rescue” operations para sa kamakailang tumaob na MBCA Amejara.
Sa press briefing ni CGDSEM Commander Commodore Philipps Soria, ibinahagi niya ang mga naging development ng “search and rescue” operations simula ng maiulat ang pagtaob ng MBCA Amejara noong Enero 19.
Narito ang timeline ng mga pagrekober base sa pahayag ni Soria:
Aniya pa, may mga araw na maituturing nilang “breakthrough” dahil sa marami-rami nilang mga katawan na narekober.
Una rito ay ang Enero 24, kung saan narekober ng mga awtoridad ang apat na labi mula sa MBCA Amejara, at Enero 26, Enero 28, at 29, kung saan tinukoy nila ang mga posibleng life jacket mula sa karagatan ng Saranggani.
Ibinahagi rin ni Soria na inaprubahan ng Indonesia ang flight clearance ng mga awtoridad para mas palawigin ang search and rescue operations.
Nahati rin sa daw sa dalawang team ang mga kasalukuyang nagsasagawa ng search and rescue para sa mas episyenteng operasyon.
“The first team is a five-member team which is looking into marine casualty investigation. ‘Yong MCI natin o Marine Casualty Investigators natin will look into the factual causal and the recommendatory safety improvements of our practices. Wala siyang liability attribution, it is more on safety recommendation,” paliwanag ni Soria.
“That is why kailangan din natin buoin ‘yong second team. ‘Yong second team is a seven-member team together with the legal. Tawag dito ay ‘yong Incident Investigation Team, they are required to submit a report leading to the investigation. Mayroon silang determination ng administrative and criminal liability of the owner, officers, and crew of the motor banca,” dagdag pa ni Soria.
Tiniyak din niya na kasalukuyang gumagalaw ang magkahiwalay na imbestigasyon ng mga nasabing team kasabay ang nagpapatuloy na search and rescue operations.
Matatandaang unang naiulat ang pagtaob ng MBCA Amejara sa Sta. Ana Wharf, Davao City, noong Enero 19.
Base sa testimonya ng isa pa lamang na survivor rito na si Christopher Bulig, na natagpuan sa katubigan ng Sarangani noong Enero 20, turista ang mga lulan na pasahero ng MBCA Amejara, kung saan nirentahan ito para sila’y makapangisda.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ang pagtaob at pagkawala ng MBCA Amejara sa Davao
KAUGNAY NA BALITA: Coast Guard, nag-abisong mag-ingat sa mga impormasyon tungkol sa MBCA Amejara
Sean Antonio/BALITA