Naglabas si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima ng kaniyang pahayag hinggil sa selebrasyon ng International Women’s Day ngayong Linggo, Marso 8.
Sa ibinahaging Facebook post ni De Lima, sinabi niyang liban sa pagdiriwang ng nasabing kaganapan, ito rin daw ay isang pagkakataon para wasakin na ang aniya’y makikitid na pananaw ng lipunan sa mga kababaihan.
“Sa Araw ng Kababaihan, hindi lang natin ipinagdiriwang ang ating mga tagumpay at mga karapatan, patuloy din nating binabasag ang mga limitasyong itinakda ng makikitid na pananaw at pag-iiisip sa lipunan, saad ni De Lima.
Aniya, “Malayo na ang ating narating, pero marami pa rin ang mga hamon.”
Ani De Lima, nakadidismaya raw na ilang mga pangyayaring may kaugnayan sa kawalan ng pagrespeto sa mga kababaihan ay naganap pa mismo ngayong “Women’s Month.”
“It is deeply disappointing and disturbing that in the very month we celebrate women, we are once again confronted with remarks that degrade our dignity and disrespect us for who we are,” aniya.
“Nakababahala rin ang ginagawang pagtatanggol at pangangatwiran pa ng marami sa malinaw namang pambabastos sa kababaihan, lalo na ang kapal ng mukha ng iba na sumabay pa sa kabastusan—na para bang paligsahan ang pagiging bastos,” dagdag pa niya.
Anang mambabatas, nakikiisa sila sa pagsuporta sa mga kababaihan laban sa kawalan ng respeto, pambabastos, at pangmamaliit.
“We stand with every woman who has been mocked, belittled, objectified, and disrespected. Hindi dapat bigyan ng puwang ang kabastusan kahit saan mang espasyo, lalo na sa mga institusyong dapat nangunguna sa pagtataguyod ng proteksyon at karapatan ng kababaihan,” anang mambabatas.
Aniya, “Women are not objects. We are not accessories to someone else's insensitive jokes or remarks. We are not tools for another person's satisfaction.”
“Babae tayo. Lumalaban at naninindigan. Hindi pakakahon. May dignidad. Anuman ang ating estado, dapat tayong irespeto. Happy International Women's Day,” pagtatapos niya.
Ilan din sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa mga nagpahayag ng kani-kanilang mensahe para bigyang-pugay ang lakas at tibay ng mga kababaihang Pilipino ngayong International Women’s Day.
MAKI-BALITA: 'A mother, a worker, a leader!' PBBM, kinilala gampanin ng Pinay ngayong International Women's Day-Balita
MAKI-BALITA: 'Tayo ang matatag na sandigan ng ating bansa!' VP Sara, binigyang-pugay lakas ng kababaihang Pilipino-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA