April 13, 2026

Home BALITA

US President Trump, 'di raw papaawat sa giyera; gustong ubusin Iranian leaders

US President Trump, 'di raw papaawat sa giyera; gustong ubusin Iranian leaders

Iginiit ni US President Donald Trump na wala siyang interes na makipagnegosasyon sa Iran at nagbabala pang maaaring matapos lamang ang digmaan kapag wala nang natitirang gumaganang militar o liderato ang bansa.

Sa panayam ng mga mamamahayag sakay ng Air Force One nitong Sabado (Linggo sa oras ng Pilipinas, Marso 8, 2026), sinabi ng Pangulo ng United States na maaaring maging walang saysay ang negosasyon kung mapapatay ang mga posibleng lider ng Iran at tuluyang mawasak ang militar nito dahil sa nagpapatuloy na air campaign.

"At some point, I don't think there will be anybody left maybe to say 'We surrender,'" ani Trump.

Patuloy namang nagpalitan ng mga pag-atake ang Israel at Iran noong Sabado, Marso 7, habang pumapasok na sa ikalawang linggo ang labanan sa Middle East.

Sa gitna ng tensyon, humingi ng paumanhin ang pangulo ng Iran na si Masoud Pezeshkian sa mga karatig-bansa upang mapahupa ang galit ng ilang estado sa rehiyon.

National

Simula Abril 14: PBBM, ibinida ang malaking rollback sa presyo ng langis!

"I personally apologise to neighbouring countries that were affected by Iran's actions," aniya.

Tinawag din niyang “a dream” ang panawagan ni Trump para sa walang kondisyong pagsuko ng Islamic Republic. 

Gayunman, sinabi niyang pumayag ang pansamantalang konseho ng pamahalaan ng Iran na itigil muna ang pag-atake sa mga kalapit na bansa maliban na lamang kung magmumula sa kanilang teritoryo ang mga pag-atake laban sa Iran.

Sa kabila nito, itinuring ni Trump ang paghingi ng paumanhin ng Iran bilang tanda ng pagsuko at nagbabalang maaaring palawakin pa ng US ang kanilang mga pag-atake.

Samantala, saad ni Israel President Benjamin Netanyahu sa isang talumpati sa telebisyon na hindi sasaktan ang sinumang miyembro ng Iranian Revolutionary Guards na magpapasya na isuko ang kanilang mga armas.

Itinanggi naman ni Ali Ardashir Larijani, kalihim ng Supreme National Security Council ng Iran, na may hidwaan sa loob ng pamahalaan ng bansa kaugnay sa kanilang paghawak sa digmaan.

Ayon naman sa ilang ulat, nagbabala ang Saudi Arabia sa Tehran na bagama’t pabor sila sa diplomatikong solusyon, maaaring gumanti ang Riyadh kung magpapatuloy ang mga pag-atake ng Iran sa kanilang teritoryo at sektor ng enerhiya.