January 24, 2026

Home BALITA National

Trillanes, civil society group kinasuhan ng plunder, graft si VP Sara

Trillanes, civil society group kinasuhan ng plunder, graft si VP Sara
Photo courtesy: via MB

Naghain si dating Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV, kasama ang ilang mga kasapi ng civil society organization na "The Silent Majority," ng mga reklamong plunder at graft laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y mga iregularidad noong siya ay manungkulang Bise Presidente at umupo bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), gayundin noong siya ay alkalde ng Davao City, sa harap ng Office of the Ombudsman nitong Miyerkules, Enero 21, 2026.

Sa inilabas na pahayag sa media at batay sa mga ulat, matapos ang paghahain ng kaso, ipinaliwanag ni Jocelyn Marie Acosta, founder ng TSM, na ang bagong kasong isinampa ay pagpapalawak ng naunang reklamo ng civic society group noong Disyembre 2025 hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Ayon kay Acosta, saklaw ng panibagong reklamo ang mga sinasabing anomalya noong panunungkulan ni VP Sara bilang DepEd Sec. at bilang alkalde ng Davao City.

Kabilang dito ang mga alegasyong tumanggap umano siya ng pera mula sa mga indibidwal na inuugnay sa ilegal na kalakalan ng droga.

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Binanggit din sa reklamo ang umano’y malawakang paggastos ng pondo ng gobyerno, partikular ang ₱650 milyong confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at DepEd, gayundin ang tinatayang ₱2.7 bilyong confidential funds na ginamit noong siya ay mayor ng Davao City.

Isinama rin sa mga isyu ang sinasabing iregularidad sa ₱8 bilyong procurement ng laptops ng DepEd, pati na ang bilyon-bilyong pisong audit disallowances at mga cash advance na hindi umano naipaliwanag o na-liquidate sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Dagdag pa sa reklamo, 192 silid-aralan lamang umano ang naipatayo kahit higit 6,000 ang target, na nagbunsod ng mga paratang ng katiwalian at matinding kapabayaan. Ipinunto rin ng mga nagrereklamo ang umano’y kabiguang ideklara ni Duterte ang mahigit ₱2 bilyong halaga ng ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), na kanilang inilalarawan bilang ill-gotten wealth.

Kasama rin sa mga paratang ang umano’y panunuhol at korapsyon, partikular ang alegasyong tumanggap siya ng pera mula sa isang personalidad na sangkot sa droga noong siya ay alkalde pa ng Davao City.

Dahil dito, iginiit ng mga nagrereklamo na siya ay hindi umano karapat-dapat humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at nagkasala ng betrayal of public trust, lalo’t itinuro rin ang dalawang insidente kung saan umano’y nagbanta siya laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng Pangalawang Pangulo tungkol dito.