January 24, 2026

Home BALITA Metro

Biktima, may phone tracker! Kawatan, natunton dahil sa nalaglag na ID niya

Biktima, may phone tracker! Kawatan, natunton dahil sa nalaglag na ID niya
Photo courtesy: Freepik/Pixabay

Himas-rehas ulit ang isang 35-anyos na lalaki matapos umano niyang hablutin ang mamahaling cellphone ng kaniyang biniktima, na isang customer sa isang karinderya sa Scout Limbaga Street, Barangay Sacred Heart, Quezon City noong Biyernes ng hapon, Enero 16.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10, na inulat naman ng ABS-CBN News, abala raw sa paggamit ng cellphone ang biktima habang hinihintay ang inorder na pagkain nang bigla na lamang lapitan ng suspek at hablutin ang kaniyang cellphone na tinatayang nagkakahalaga ng ₱30,000.

Tumakas naman ang suspek sakay ng isang motorsiklong pinaghihinalaang kasabwat.

Naging susi sa mabilis na pagkakaaresto ang ID na nalaglag ng suspek habang tumatakas. Gumamit din ang biktima ng tracking application na nakakonekta sa kaniyang laptop upang matunton ang kinaroroonan ng cellphone.

Metro

Kinasuhang sekyu dahil sa paghagis ng tuta sa footbridge, hinatulang guilty!

Ayon daw kay PLt. Col. Zachary Capellan, station commander ng QCPD Station 10, nagtugma ang lumabas na lokasyon sa tracking system at ang address na nakasaad sa ID ng suspek.

Sa isinagawang operasyon ng mga pulis, nabawi naman ang cellphone at nakuha pa sa bahay ng suspek ang isang improvised firearm.

Inamin naman ng suspek ang krimen at sinabing kailangan niya ng pera para sa upa matapos masira ang motorsiklo na ginagamit niya sa pagtatrabaho.

Napag-alamang kalalaya lamang ng suspek noong 2024 matapos ang walong taong pagkakakulong dahil sa kasong illegal possession of firearms. Mayroon din umano itong dating rekord sa pagnanakaw at ilegal na droga.

Posible umanong makasuhan ang suspek ng kasong theft at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya upang matukoy at madakip ang kasabwat na nagsilbing driver ng motorsiklo.