Inamin ng lalaking suspek sa pamamaril sa isang basketball court sa Barangay Marcelo Green, Parañaque City na matagal na umano siyang naiinis sa ingay at pang-aasar ng ilan sa mga biktima habang nakatira siya sa isang residential condominium.
KAUGNAY NA BALITA: Tenant sa isang residential building, namaril ng mga kapitbahay; 2 patay, 4 sugatan!
Ayon sa mga ulat naaresto ang suspek noong Biyernes ng gabi, Marso 6, 2026, sa loob ng isang condominium unit sa Barangay Moonwalk, sa isinagawang hot pursuit operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon sa NCRPO at Southern Police District, pag-aari ng asawa ng suspek ang unit kung saan siya nadakip.
Anang suspek, matagal na siyang naiirita sa ingay ng isa sa mga biktima na nakatira sa unit sa itaas ng kaniyang tirahan. Ilang beses na umano siyang nagreklamo ngunit hindi raw silang tumigil.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumaba muna ang suspek mula sa kaniyang unit patungo sa basketball court bago niya binaril nang malapitan ang kaniyang target na isang 52-anyos na lalaking nanonood ng laro noong mga oras na iyon.
Makikita sa CCTV na pumasok ang suspek sa loob ng court at sunod-sunod na nagpaputok sa iba pang naroroon.
“Kasi po nasa isip ko noon baka pagbabarilin ka ‘ko, para mag-cover ako sa loob ng basketball court para yung mga taga-roon kung barilin ako, at least meron akong depensa,” sabi ng suspek.
Sa gitna ng kaguluhan, nagtakbuhan ang mga tao habang isa pang biktima ang tinamaan at kalauna’y namatay.
Ayon kay alyas “Kevin,” na tinamaan sa siko habang tumatakas, “Sa labas ng court hinahabol kami, doon kami tinamaan na po. Si RJ, po yung una pong matamaan. Noong time na yun, hindi ko po siya ininda, hindi siya masakit or anything po. Mas iniisip ko lang po na tumakbo para sa buhay namin.”
Matapos ang pamamaril, umano’y tumakas ang suspek palabas ng condominium. Nakunan din siya ng CCTV sa ibang bahagi ng lugar na may dalang payong at nakasuot ng maskara.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang posibleng pananagutan ng condominium management at ng mga security guard kaugnay sa insidente.
Dalawang 9mm na baril, apat na magasin, at mga bala ang nakumpiska mula sa suspek.
Sinisiyasat din kung bakit nakakuha ng lisensya ang suspek para sa isa pang baril kahit mayroon siyang kasong homicide noong 2012.