Pinag-aaralan ng Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church ang mga posibleng pagbabago sa andas at pamamahala ng mga deboto para sa Traslacion 2027, matapos tumagal nang halos 31 oras ang prusisyon sa Maynila ngayong 2026 at magresulta sa apat na naiulat na nasawi.
Ayon kay Nazareno 2026 spokesperson Fr. Robert Arellano, nagkaroon ng problema sa andas sa kabila ng pagkaka-perforate nito.
“Ang andas ay nababalot ng moisture kahit ito ay perforated, at nasira ang ilalim na bahagi,” pahayag ni Arellano batay sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, Enero 11, 2026.
Dagdag pa rito, sinabi ng mga opisyal na bumagal ang takbo ng prusisyon matapos harangan ng mga deboto ang unahan ng andas.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Quiapo Church na isa sa kanilang tinitingnan ay ang posibilidad na paikliin ang ruta ng Traslacion.
“Pangunahin sa mas agresibong mga kabataang mga deboto na talagang pinipiling pumunta sa harapan ng andas at sumampa sa harapan ng andas,” ayon kay Alex Irasga, technical adviser ng Quiapo Church.
Dagdag pa niya, kapansin-pansin umano ang naging asal ng ilang kabataang deboto ngayong taon.
“In my several years na ako ay nasa baba sa harapan ng andas, kahapon lang ako nakakita ng ganoong klaseng aggressiveness ng mga kabataan na para bang mas malakas sila sa nakakatandang mga deboto,” saad ni Irasga.
Nagpahayag din ng kaparehong pananaw si Police Major Hazel Asilo, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO), partikular sa pangangailangang baguhin ang disenyo ng andas at ruta ng prusisyon.
Ayon kay Asilo, ang matagal na oras ng Traslacion ay nagdulot ng iba’t ibang medical emergencies.
“Yung safety din ng mga deboto ang iniisip natin. As much possible, gusto natin na mas maiksing oras na maipasok ang andas para na rin sa kaligtasan ng lahat,” saad ni Asilo.
Binanggit din niya ang posibilidad ng pagbabago sa ruta ng prusisyon.
“Yung ruta, baka puwedeng gawing iba. Mas maiksi at malalaking daan para mas maging maayos sa lahat,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Asilo, magsasagawa ang NCRPO kasama ang iba pang ahensiya at stakeholders ng isang critic session upang pagbutihin ang paghahanda at seguridad ng Traslacion sa susunod na taon.