Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na matatanggap na ng mga estudyante ng Universidad de Manila (UdM) ang kanilang tig-₱1,000 monthly allowance mula sa pamahalaang lungsod.
Ayon sa alkalde, isasagawa ang distribusyon ng allowance para sa higit 10,000 estudyante simula sa Mayo 28 hanggang Mayo 31, 2025.
Sinabi ni UdM President Dr. Felma Carlos-Tria na sa pagkuha ng allowance, ang mga estudyanteng kasalukuyang naka-enroll sa unibersidad ay kinakailangang magdala ng sarili nilang ballpen, original at photocopy ng UdM-issued RFID card na may tatlong specimen signatures, photocopy ng GO Manila ID, at printed copy ng student portal na may midterm grades (second semester, 2024-2025).
Sinabi ni Tria na ang procedure at schedule ng payout ay nakapaskil sa official social media accounts ng lungsod at ng UdM.
Nabatid na bawat student beneficiaries ng UdM na aabot sa 10,115 ay tatanggap ng ₱2,000 para sa mga buwan ng Marso at Abril.
"Ang maliit na tulong na ito ay isang patunay ng ating buong suporta sa ating mga mag-aaral para makatulong at makapagtapos sila sa kolehiyo," ani Lacuna.
Samantala, nabatid din na nasa 8,000 estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Manila (PLM) ang makakakuha na rin ng kanilang two-month allowance, sa pamamagitan naman ng kanilang debit card accounts.
Sa kabuuan, mahigit sa 18,000 university students ang nakakakuha ng ₱1,000 buwanang allowance mula sa lungsod.