Isa sa mga nagbigay ng eulogy para sa idinaos na state necrological service para kay National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor, ay ang kapwa Pambansang Alagad ng Sining at award-winning writer na si Ricky Lee, sa Metropolitan Theater sa Maynila nitong Martes, Abril 22.
Si Ricky Lee ang sumulat ng script at nasa likod ng iconic movie ni Ate Guy na "Himala."
Inilarawan ni Lee si Ate Guy bilang "rebelde" dahil winasak daw ng namayapang Pambansang Alagad ng Sining ang "status quo" pagdating sa mga artistang gumaganap sa pelikula; na ang itinuturing na "magaganda" lamang ay pawang matatangkad at mapuputi.
Sinabi rin ng manunulat na talagang umiiyak ang mga tagahanga ni Nora, lalo na ang mga domestic helper sa ibang bansa, kapag nasisilayan ang kanilang idolo. Napatanong nga raw sa sarili si Lee kung bakit ganito ang epekto ng Superstar sa kanila. Napagtanto niyang marahil ay nakikita nila ang mga sarili nila sa imahen ni Ate Guy.
"Rebelde si Guy. Sa loob ng pitong dekada ay nilabanan niya ang status quo. Binago niya ang kolonyal na pagtingin na nagsasabi na mapuputi at matatangkad ang maganda sa puting-tabing. Ginampanan niya ang papel ng babae na palaban at makatotohanan... marami siyang binasag at binagong paniniwala..." bahagi ng pahayag ni Lee.
Pagkatapos ng necro service, ihahatid sa huling hantungan ang mga labi ni Nora sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig.
BASAHIN: ALAMIN: Ano-ano ang benepisyong natatanggap ng isang National Artist?