Nagbigay ng reaksiyon ang tinaguriang “green-influencer” na si Celine Murillo kaugnay sa panghihimasok umano ng 96 na pribadong guwardiya sa Sitio Marihangin, Bugsuk, Balabac, Palawan.
Sa latest Facebook post ni Celine nitong Biyernes, Abril 11, sinabi niya ang kalagayan ng mga katutubong Molbog sa naturang lugar.
“May 96 private ‘blue guards’ ngayon sa Sitio Marihangin, Bugsuk, Balabac, Palawan. Dala nila ang tensyon at takot sa isla. Para mapigilan ang kanilang panghihimasok, kasalukuyang nagkakampo at nagbabantay magdamag ang mga residente at mga katutubong Molbog ng isla – kasama ang mga kababaihan at kabataan!” saad ni Murillo.
Dagdag pa niya, “Disrupted ang pamumuhay at kabuhayan ng mga kababayan natin ngayon doon. Sa may mga pakana nito, nakakadiri kayo! At sa NCIP, at iba pang concerned na ahensya ng gobyerno, nasaan na kayo?! Nakakagalit!”
Samantala, ayon naman kay Provincial Information Officer Atty. CJ Cojamco, nakahanda naman daw ang kapitolyo na magpaabot ng tulong sa mga katutubo.
“Although lagi nating binibigyang-diin na itong mga nangyayari doon ngayon ay kuwestiyon ng pagmamay-ari,” saad ni Cojamco sa panayam ng isang lokal na radyo.
Dagdag pa niya, “So, parehong kampo ay nagke-claim na sila ang tunay na may-ari ng Marihangin. Pero sabi natin, dapat talaga idaan sa korte.”