Sinuspinde ni newly-appointed Transport Secretary Vince Dizon ang implementasyon ng cashless collection ng toll fees.
Sa isang press briefing nitong Biyernes, Pebrero 21, 2025, iginiit ni Dizon na hindi umano lahat ay may kapasidad na makapag-load ng kanilang RFID.
“Kayo siguro dito, kaya niyo mag-load sa Easytrip tsaka sa AutoSweep ng P2,000, P3,000, P,5000. Pero paano yung mga kababayan natin na sagad-sagad ang budget? ‘Di ba? hindi sila makaka-load,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, “Ibig sabihin, pag-cashless, anong gagawin niya? Kalbaryo na naman yun. Pagpapahirap na naman sa tao yun."
Matatandaang sa darating na Marso 15 ang nakatakdang implementasyon ng cashless system sa bawat toll gate sa bansa, kung saan hindi papayagang dumaan sa bawat expressway ang mga motoristang wala pang RFID.
Iginiit din ni Vinzon na tila pampahirap lamang daw sa ang cashless system sa bawat toll gate.
“Naiintindihan ko yung need to regulate. Pero kailangan, the need to regulate should not result in making the lives of people difficult. Dapat gumiginhawa ang buhay ng tao hindi pinapahirapan. Itong cashless na ito, tingin ko pagpapahirap ito kaya hindi ako naniniwala diyan. Siguro pagdating ng panahong na-perfect na yung system,” anang DOTr secretary.