Bagama't hindi dine-deny ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng kaso ng Human Metapneumovirus (hMPV) sa ibang bansa, partikular sa China, hindi raw kinakailangang magkaroon ng lockdown at pagsasara ng mga border sa Pilipinas.
“Hindi dine-deny ng bansang 'yon na mayroon silang pagtaas ng cases nila. Pero kapag i-compare sa kanilang bilang noong 2023, mas mababa pa rin,” saad ni DOH spokesperson and Assistant Secretary Albert Domingo sa kaniyang panayam sa TeleRadyo Serbisyo.
Matatandaang may lumalabas na ulat na may surge umano ng HMPV cases sa northern China noong mga nakaraang linggo.
Ayon sa World Health Organization (WHO) nitong Enero 7 sa kanilang Disease Outbreak News na tumataas ang kaso ng karaniwang acute respiratory infections, kabilang ang Respiratory Syncytial Virus (RSV) at Human Metapneumovirus (hMPV).
Ayon pa kay Domingo, 2001 nang madiskubre ang HMPV ng Dutch researchers sa Netherlands. Kaya sinabi niyang hindi kailangan magsara ng borders.
“Kilala natin si HMPV, hindi natin kailangan isara ang borders natin at hindi siya kumakalat kahit nandito siya. Wala pong lockdown, tuloy po ang ating buhay. Tayo po ay mag-ingat lamang at ito ay seasonal na mga trangkaso," aniya.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang DOH ng 284 kaso ng HMPV sa Pilipinas.
Sa datos ng DOH mula Enero 1 hanggang Disyembre 21, 2024, 284 sa 4,921 samples ang positibo sa hMPV. Kamakailan naman, mula Disyembre 1 hanggang Disyembre 21, 10 sa 339 samples ang positibo sa sakit.
Sa kabila nito, patuloy na hinihikayat ng ahensya ang publiko na maging maingat sa kalusugan upang maiwasan ang pagkakasakit ngayong taglamig, gaya nang pagsasagawa ng respiratory etiquette tulad ng pagtatakip sa ubo gamit ang siko; pananatili sa bahay kapag may ubo, sipon, o lagnat; at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig.