Natanong si "Pinoy Big Brother" host Melai Cantiveros kung totoo bang "scripted" o idinidikta lamang sa mga housemate kung ano ang mga magaganap sa loob ng Bahay ni Kuya, sa naganap na media conference para sa PBB: Gen 11, ang season 11 ng nabanggit na reality show.
Batay sa sagot ni Melai na ratsada ngayon sa hosting shows gaya ng "Magandang Buhay" at pinakabagong Visayan talk show na "Kuan-On-One," tila pinasinungalingan niya ang matagal nang intriga patungkol sa PBB na siyang nagbukas sa kaniya ng pintuan at mga bintana patungo sa kinalalagyan niya ngayon.
Kuwelang sagot ni Melai, kung scripted ang PBB, sana raw ay hindi sila nakadalawang anak ngayon ng kaniyang mister na si Jason Francisco, na housemate niya noon sa batch nila.
Matatandaang ipinagtambal sina Melai at Jason sa loob pa lang ng PBB House dahil sa mga personalidad nila.
Ani Melai, "Hindi talaga scripted dito [sa PBB]. Kung scripted kami ni Jason, magka-dalawa ba kaming anak? Hanggang ngayon dumadrama pa kami?"
Sa ngayon, may dalawang anak sina Melai at Jason na biro nga ng mga netizen, ay ka-triplets na ng una: sina Mela at Stela na parehong namana ang kakulitan ng kanilang ina.