Inihayag ng human rights group na Karapatan na dalawa umanong environmental human rights defenders ang dinakip sa Bataan noong Sabado ng gabi, Setyembre 2.

Sa pahayag ng Karapatan Central Luzon nitong Lunes, Setyembre 4, marami umano ang nakakita sa naging pagdakip sa dalawang kabataang babae ng mga armadong lalaking nakasakay sa gray na SUV sa harap ng opisina ng Orion Water District sa Brgy. Lati, Orion, Bataan.

Nito namang Linggo, Setyembre 2, kinumpirma ng Karapatan na ang dalawang babaeng dinakip ay ang “environmental human rights” na sina Jhed Tamano, 22-anyos, at Jonila Castro, 21-anyos.

“A pair of slippers and a pairless strapped sandal, positively identified to be belonging to the two, were discovered in the area they were taken,” saad ng Karapatan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Courtesy: Karapatan-Central Luzon/FB

Si Tamano ay kasalukuyan umanong Program Coordinator ng Church-Community Partnership na 'Turn the Tide, Now!’.

Si Castro naman ay isang community volunteer ng AKAP Ka Manila Bay, na kumokontra sa Manila Bay reclamation project.

Pareho umanong nag-aral sina Tamano at Castro sa Bulacan State University.

Inihayag din ng Karapatan na ang naturang pagdakip kina Tamano at Castro ay ang ikalawang “enforced disappearance” kasunod ng pagkawala ng dalawang peasant organizers na sina Ma. Elena 'Cha' Pampoza at Elgene 'Leleng' Mungcal o mas kilala sa Moncada 2, noong Hulyo 22 sa Tarlac.

“We strongly condemn the continuing attacks on environmental human rights defenders, humanitarian workers, activists, and the like, in Central Luzon, and in the country,” saad ng grupo.