Nag-donate ang Department of Health (DOH) - Ilocos Region ng siyam na land ambulances sa lalawigan ng Pangasinan upang magbigay ng emergency care at transportation sa mga may sakit o nasugatang pasyente doon.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco na ang mga naturang ambulansiya ay ipinagkaloob nila sa mga rural health units (RHUs) sa mga priority areas ng lalawigan, nitong Marso 4 lamang, bilang bahagi ng Universal Health Care Program ng pamahalaan.

Nabatid na kabilang sa mga RHU recipients ng mga ambulansiya ay ang Agno, Balungao, Rosales, San Manuel, Santa Maria, Villasis, Urdaneta City Health Office, at local governments ng Sison at Tayug.

Ani Sydiongco, ang mga naturang ambulansiya, na ipinagkaloob sa inisyatiba ng Pangasinan District Representatives at pinondohan sa ilalim ng DOH Health Facilities Enhancement Program (HFEP), ay fully equipped ng isang folding stretcher, nebulizer, portable suction machine, defibrillator, examining light, aneroid sphygmomanometer, scoop stretcher, stethoscopes, non-contact thermometer, blood-glucose meter na may strip, resuscitators para sa sanggol, pedia at adult; oxygen therapy set; laryngoscopes set; immobilization devices, delivery set at patient transfer monitor.

Probinsya

13-anyos na babae, hinalay matapos mangaroling

“Ito (land ambulance) ay gagamitin bilang prehospital medical care or emergency response vehicle dahil kumpleto ito ng medical equipment upang makapagbigay ng first aid treatment at makakapagbigay ng continuum of care papunta sa mga health facilities,” aniya.

Kaugnay nito, hinikayat rin ni Sydiongco ang lahat ng recipients RHUs na magtabi ng pondo para sa maintenance at operasyon ng mga naturang land ambulances, kabilang na ng dedicated driver upang siyang magmaneho at mangalaga sa behikulo.

“Alagaan po natin ito, huwag po nating gawin pang-service ng mga empleyado dahil ito po ay galing sa mga buwis ng ating mamamayan and ensure also that they are used according to their purpose,” aniya pa.

Nabatid na una na ring namahagi ang regional office ng pitong land ambulances para sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kabilang sa mga recipients nito ay ang mga districts hospitals ng Bangui, Dingras, Piddig at Vintar; Governor Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital (GRBASMH) sa Laoag City, Dona Josefa Edralin Marcos District Hospital sa munisipalidad ng Marcos at Sarrat RHU.

Ang 16 na land ambulances ay idinonante bilang bahagi ng general appropriations act (GAA) of 2022.