Nalalapit na ang pagkakaroon ng Super Health Centers ng Maynila.
Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes na ia-upgrade nila ang mga health centers sa lungsod upang maging ‘super health centers’ ang mga ito.
Ayon kay Lacuna, kinu-convert na ng Manila Health Department (MHD), sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan, ang lahat ng health centers mula sa pagiging ordinaryo hanggang sa pagiging super health centers upang mapalawak at mapaunlad pa ang serbisyong pangkalusugan sa mga Manilenyo.
Anang alkalde, base sa ulat ni Dr. Pangan, karamihan ng 44 na health centers ay may lisensya na para mag-operate.
Idinagdag pa niya na ang mga health centers, bukod pa sa lying-in na nagpapaanak ng libre free, ay nagsisilbi sa lahat ng mga kawani ng gobyerno sa lungsod.
Napag-alaman na sa naturang bilang, 39 sa mga ito ay may mga lisensya na.
Ang natitirang lima naman ay wala pang lisensya dahil sa under construction pa ang mga ito.
Aniya, ang mga super health centers na under construction ay iyong mga nasa vertical housing units ng lungsod na itinatayo din ng local government.
“Pag me license to operate, ibig sabihin ay Philhealth-accredited na ang health centers meaning, pag nagpa-register ng Philhealth ay mas maraming benepisyong matatanggap at mas marami din itong maitutulong sa pamahalaang-lungsod ng Maynila,” ani Lacuna.
Nabatid na kabilang sa mga free medical services na ibinibigay ng improved health centers ay dental services tulad ng cleaning, fluoride application, restoration o ‘pasta’ at tooth extraction o bunot.
Mayroon ding libreng laboratory tests na binibigay na sakop ang CBC, FBS, BUN, CREA, SGOT/SGPT OGTT, cholesterol, triglycerides, uric acid, urinalysis, and fecalysis.
Sinabi ni Lacuna na bilang polisiya, ang mga requests para sa lab tests pagkatapos ng checkups sa private hospitals o clinics, ay hindi pinapayagan sa health centers.
“Paalala lang. Itong mga lab test na ito ay ginagawa po natin sa mga pasyente natin sa health center. Hindi kami natanggap ng request na galing sa private hospital. Kung kayo po ay nagpa-checkup sa ating health center at may pinagawang laboratory ang doktor sa inyo, maari n’yo nang ipagawa dun pero pag kayo ay nagpa-checkup sa private hospital o clinic at dun ninyo ipagagawa ang lab test sa ating health center, hindi po ‘yun allowed. Pasyente lang ng health center ang puwede,” anang alkalde.