Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na nakatakda nang dumating sa bansa ngayong unang linggo ng Setyembre ang unang batch ng mga tren na gagamitin sa Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).
"Maagang regalo ngayong "Ber" months ng MRT-7, paparating na!” Ramdam na ramdam na ang ka-PASKO-han ng MRT-7 dahil ngayon "ber" months, nakatakda ng dumating ang 1st batch ng tren sa unang linggo ng Setyembre na gagamitin sa Metro Rail Transit 7 (MRT-7),” anunsyo pa ng DOTr.
Sinabi ng DOTr na ang mga naturang tren ay bago, moderno, at mga upgraded na tren ay gawa ng Hyundai ROTEM mula South Korea.
Binubuo ito ng anim na train cars o dalawang train sets, at inaasahang tuluy-tuloy ang pagdating ng mga susunod na batch ng tren ngayon "Ber" months, ayon sa ahensya.
Sa sandaling matapos na ang kontruksiyon ng MRT-7, na may habang 22-kilometro, ay mapapaikli sa 35 minuto ang travel time mula sa dating dalawa hanggang tatlong oras na biyahe mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose Del Monte sa Bulacan.
Ang naturang linya ng tren ay mayroong 14 na istasyon at kayang mag-accommodate ng 525,000 hanggang 850,000 pasahero kada araw.
Mary Ann Santiago