Sa pagsisimula ng mahigpit na implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), natitiyak ko na muli nating madadama ang ibayong pangamba na bunsod ng matinding banta ng pandemya; kaakibat ito ng lagi kong sinasabing buhay-bilanggo o ermitanyo ng katulad kong nakatatandang mamamayan na kailangang manatili sa bahay sa halos lahat ng sandali.
Ang ganitong situwasyon ay nararapat lamang, lalo na nga kung isasaalang-alang ang higit na matinding banta ng lumalaganap na Delta variant -- ang mikrobyo na kauri ng nakamamatay na COVID-19 -- na sinasabing mabilis makahawa at dumapo sa tinatawag na mga vulnerable, lalo na sa mga bata. Iniulat na nananalasa na ito sa siyam na siyudad sa NCR at maaaring sa iba pang lugar na nasa katulad na ECQ, tulad ng Laguna, Iloilo at iba pa.
Nakalulungkot gunitain na hindi malayong masaksihan pa rin natin ang ilang sektor ng ating mga kababayan na walang pagpapahalaga sa mahigpit na health protocol; naririyan ang ilang grupo na mistulang nandidiri sa pagsusuot ng face shield at face mask at laging ipinangangalandakan na siya ay hindi natitigatig sa banta ng coronavirus. Hindi alintana ang milyun-milyong dinapuan ng nakakikilabot na COVID-19, bukod pa rito ang milyun-milyon ding nakitil ang buhay dahil sa naturang mikrobyo na walang habas na nananalanta sa iba't ibang bansa ng ginagalawan nating planeta.
Kasabay ng pagsulpot ng gayong tandisang paglabag sa health protocol ng ating mga kababayan, hindi rin malayo na muling magdiwang ang ilang sektor ng mga negosyante na walang inaatupag kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang; sila yaong tinatawag na mga profiteers na kung minsan ay tinatagurian ding buwitre ng lipunan o vultures of society. Totoo, higit na nakararaming mga negosyanteng kababayan natin ang may matinding malasakit at pakikiramay sa ating kapuwa, lalo na sa panahon ng kagipitan na tulad nga ng pandemya.
Sa bahaging ito, nais din nating tawagin ang pansin ng mga awtoridad na panatilihin ang kaluwagan ng paghahatid ng mga paninda at iba pang pagkain -- lalo na ang agri products -- na marapat lamang makaraan ng maluwag sa mga checkpoint. Ang naturang panawagan na palaging binibigyang-diin ng Department of Agriculture (DA) ay makatutulong nang malaki sa ating mga kababayan na dapat makabili ng murang paninda -- huwag lamang panghimasukan ng mga profiteers.
Anupa't sa panahong ito ng kagipitan, hindi dapat pabigatin ang paghihirap ng taumbayan.