SAN MARIANO, Isabela – Nauwi sa palitan ng putok ang isang raid sa ilegal na sabungan sa sa Sitio Disiguit, Barangay Gangalan.

Umabot sa siyam na lalaki ang nadakip habang 21 iba ang nakatakas nang magkaputukan sa lugar nitong Lunes.

Sa ulat ng Police Regional Office 2, nasugatan ang isa sa mga suspek na si Randy Talosig, 33 anyos, isang magsasaka at residente ng Bgy. Binatug ng nasabing bayan.

Si Talosig ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang balikat na kaagad namang itinakbo sa ospital. Ang iba pang mga suspek ay pawang mga residente rin ng bayan ng San Mariano.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Pinaniniwalaan na ang putok ng baril ay nagmula sa isang suspek na tumakas nang matunugan ang pagdating ng mga pulis .

Napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba.

Kasalukuyan pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon at inaalam pa ng San Mariano PNP ang pagkakakilalanlan ng iba pang suspek na nakatakas sa nasabing raid.

Samantala, nakumpiska ang walong manok na panabong; 17 piraso ng cockfighting blade o tari ng manok; bet money na nagkakahalaga ng Php 5,016.00 at anim na unit ng motorsiklo.

Ang siyam na suspek ay nakatakdang sumailalim sa Inquest Proceeding sa paglabag ng Republic Act 9287 o Illegal Gambling.