Bagama't kabi-kabila na ang nagpapaturok ng bakuna naroroon pa rin ang mga pag-aatubili at pagpapatumpik-tumpik ng ilang sektor ng ating mga kababayan sa pagtungo sa mga vaccination centers. Ibig sabihin, hindi pa rin kaya tumataas ang kanilang kumpiyansa sa bisa ng iba't ibang uri o brand ng bakuna na ginagamit hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba't ibang bansa sa daigdig na tinamaan din ng nakamamatay na coronavirus?
Ang paninindigan, marahil ng naturang grupo ng sambayanan ay nakaangkla sa pahayag ng administrasyon na limang milyong Pinoy pa lamang ang nagpapaturok ng bakuna sa iba't ibang sulok ng kapuluan; sa kabila ito ng katotohanan na 110 milyong kababayan natin ang marapat na mabakunahan, tulad ng laging ipinahihiwatig ni Pangulong Duterte. Nangangahulugan na walang dapat maiwan, wika nga, sa pinauusad na libreng pagtuturok ng bakuna upang humupa kundi man lubos na malipol ang mikrobyo na taglay ng COVID-19.
Nahiwatigan ko sa ilang sektor na sa halip na magpabakuna, humahanap sila ng gamot laban sa nakahahawang COVID-19 na ngayon ay puminsala na ng milyun-milyong katao at kumitil ng maraming buhay sa planetang ating ginagalawan. Sa kabila ito ng paulit-ulit na pahayag ng mga dalubhasa sa kalusugan na walang makapagpapagaling sa naturang nakakikilabot na sakit. Biglang sumagi sa aking utak ang pinakamakapangyarihang sandata laban sa coronavirus na ipinangangalandakan ng isang kapatid sa propesyon: Ibayong pag-iingat at taimtim na panalangin.
Sa bahaging ito, nais kong bigyang-diin ang resulta ng isang clinical trial o puspusang pagsusuri sa bisa ng virgin coconut oil (VCO) laban sa COVID-19. Naniniwala ako na hindi nagbibiro ang Department of Science and Technology (DOST) sa pahayag nito na ang naturang produkto ay makatutulong, kahit paano, sa pagtataboy, wika nga, ng nasabing mikrobyo.
Maaring taliwas sa pananaw ng nasabing sektor ng ating mga kababayan, subalit matagal ko na ring napatunayan ang bisa ng VCO bilang 'nature's miracle medicine'. Taglay nito ang mga benepisyo at healing properties sa pagpapalakas ng immune system. Kung hindi ako nagkakamali, ganito rin ang natuklasan ni Dr. Favian Dayrit, may ilang dekada na rin ang nakalilipas.
Nakatutuwang mabatid, na taglay rin ng bisa ng VCO ang hindi matatawarang benepisyo para naman sa ating mga coconut farmers. Ibig sabihin, hindi magtatagumpay ang paggawa ng de-kalidad na VCO kung walang de-kalidad ding mga niyog na itinatanim at inaani ng ating mga coco-farmers.
Dahil dito, ang VCO ay nakatutulong na sa paglaban sa nakamamatay na coronavirus, nakapagpapaangat pa sa industriya ng niyog sa ating bansa.