Nang lumutang ang mga alegasyon na kabi-kabila ang nagbebenta ng mga bakuna, kagyat ang reaksiyon ng sambayanan: Kasumpa-sumpa. Naniniwala ako na matindi ang panggagalaiti ng ating mga kababayan sa naturang hindi makataong estratehiya ng ilang kababayan natin na gayon na lamang ang pakay na pagkakitaan ang mga bakuna na itinuturok sa atin upang pahupain ang matinding banta ng nakamamatay na COVID-19.
Sino naman ang hindi kukulo ang dugo, wika nga, kapag napapaulat na may ilan tayong kalahi na sa halip na damayan tayo sa pananalanta ng coronavirus, sila pa ang mistulang kumikitil sa buhay ng mga umaasa sa libreng bakuna? Maliban marahil sa mga nakaririwasa sa pamumuhay, paanong mabibili ng mga dukha ang mga bakuna na sinasabing ipinagbibili ng ilang mapagsamantalang kababayan natin?
Natitiyak ko na ang umano'y bentahan ng bakuna ay hindi palalampasin ng ating mga awtoridad. Sa katunayan, kumilos na ang kinauukulang mga local government officials, kabilang na ang mga alagad ng batas, upang tugisin at papanagutin ang mga pasimuno sa naturang vaccine for sale -- isang gawain na walang pangalawa sa kasamaan. Sa gayon, hindi na ngayon pamarisan at papanagutin ang dapat managot sa harap ng puspusang pagsisikap ng administrasyon -- at ng pribadong sektor -- upang hikayatin ang lahat na magpabakuna. Hindi dapat makalusot dito ang mga utak ng gayong katiwalian na hindi malayong kinabibilangan ng malimit taguriang 'mga anak ng Diyos'.
Hindi maikakaila na sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga dinadapuan ng COVID-19, naroroon pa rin ang banta ng naturang mikrobyo -- hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba't ibang panig pa ng daigdig. Milyun-milyon ang sinasalanta ng nasabing salot at libu-libo ang namamatay. Bukod pa rito ang maraming sektor ng sambayanan na malubha ang mga kalagayan.
Nangangahulugan lamang na ang coronavirus -- ang mapamuksang kaaway na hindi natin nakikita -- ay tila sumisingasing, wika nga, sa pananalasa at pagkitil ng maraming buhay. Isang pandemya na walang ibang pakay kundi wasakin ang sangkatauhan.
Gusto kong maniwala na ang nasabing mga salot -- ang COVID-19 at ang pagbebenta ng mga bakuna -- ay magkatuwang sa pagpuksa ng sambayanan na umaasa sa libre at kahit na anong uri o brand ng bakuna.