NAKAUNGOS ang Laguna Heroes kontra sa koponan ng San Juan Predators, 11-10, sa All Filipino Conference Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) nitong Miyerkoles sa online tournament sa chess.com.
Nakalamang muna ang San Juan Predators sa blitz, 4-3, sa panalo nina Grandmaster Oliver Barbosa, International Master Ricardo de Guzman at Narciso Gumila kontra sa Laguna bets na sina Grandmaster John Paul Gomez, Fide Master Jose Efren Bagamabasbad at Candidate Master Arjie Bayangat sa Board 1, Board 4 at Board 7, ayon sa pagkakasunod.
Naitala naman nina Woman National Master Jean Karen Enriquez at Vince Angelo Medina ang kambal na panalo sa Team Laguna matapos daigin sina Woman International Master Jan Jodilyn Fronda at National Master Michael Gotel sa Board 3 at Board 5, ayon sa pagkakasunod.
Mahigpit din sa rapid, 8-6, pabor sa Team Laguna na suportado ng Greatech Philippines, Inc., SDC Global Choice, Jolly Smile Dental Clinic at Rotary Club of Nuvali, kung saan sina Medina, Lorenzo at Bayangat ay nanaig sa San Juan players na sina Gotel, Reyes at Gumila.