ni Celo Lagmay
Palibhasa’y may matayog na pagpapahalaga sa kinagisnan kong propesyon, ang pamamahayag, hindi ko maaring palampasin ang pagkakataong ito nang hindi nagpupugay sa mga bagong-halal na pamunuan ng Nueva Ecija Press Club (NEPC). Ginanap kamakalawa ang panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal at mga miyembro ng naturang organisasyon na ngayon ay pinamumunuan sa ikalawang termino ng ating kababayang si Agapito ‘Aga’ Linsangan, isang broadcast journalist na aktibo sa isang radio station sa lalawigan.
Bagamat may mga paanyaya, nakapanghihinayang ang hindi ko pagdalo sa naturang makabuluhang okasyon dahil sa matinding pagkaduwag sa matindi ring banta ng nakakikilabot na coronavirus. Gayunman, sa kabila ng mahigpit na health protocol laban nga sa mapanganib na mikrobyo, ang nasabing pagdiriwang ay dinaluhan ng matataas na opisyal ng gobyerno na pinangungunahan nina NE Gov. Aurelio ‘Oyie’ Umali, Undersecretary Joel Egco ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at isa ring dating National Press Club President, at iba pa. Silang lahat ay kinaringgan ng mga mensahe hinggil sa makatuturang misyon ng ating mga kapatid sa pamamahayag o media sa kabila ng pananalanta ng pandemya.
Sa madamdaming mensahe ni Gob. Umali, halimbawa, binigyang-diin niya ang walang pasubaling pagsuporta sa masikhay na pangangalap ng mga miyembro ng media ng mahahalagang impormasyon na inilalathala sa kani-kanilang mga pahayagan at isinasahimpapawid sa pinaglilingkuran nilang mga broadcast outfit. Naniniwala ako na ang pahayag ng gobernador ay nakaangkla rin sa kanyang pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag o press freedom; sa karapatan ng media na magpalaganap ng makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan. Ibig sabihin, hindi dapat magbalat-sibuyas, wika nga, ang sinumang lingkod ng bayan o maging ng pribadong mamamayan na nagiging paksa ng mga balita at komentaryo ng ating mga kapatid sa media, lalo na kung ang mga pagpuna o pananaw ay bahagi ng malayang pamamahayag; lalo na kung ang mga ulat ay tungkol sa paglalahad ng mga programang pangkaunlaran at panlipunan ng provincial government.
Sa kanyang panig, binigyang-diin ni Usec Egco na ating kapatid sa media na nagkataong isa ring Novo Ecijano, ang makabuluhan ding programa ng Duterte administration hinggil naman sa pangangalaga sa seguridad ng ating mga kapuwa journalists. Bilang opisyal ng Presidential Task Force on Media Protection, wala siyang pinalalampas na pagkakataon sa pagsaklolo sa ating mga kapatid na nagiging biktima ng mga media killers na hindi malayong kinakasangkapan ng mga tiwali sa lipunan.
Halos kahawig din ng naturang mga mensahe ang binigyang-diin ni NEPC President Linsangan. Bukod sa pagpapahalaga sa press freedom, tiniyak niya na hindi dapat maging hadlang ang pandemya sa pagtupad ng makatuturang tungkulin ng media, kaakibat ng paglulunsad ng makatuturan ding mga proyekto sa kapakinabangan ng taumbayan.
Magagampanan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga karapatan na hindi dapat masiil