NAKAPAGDESISYON na ang Premier Volleyball League (PVL). Kasunod na ang Beach Volleyball Republic (BVR).
Pormal na ring nakipag-usap at nagpahayag ng intensyon na magpasailalim sa regulasyon ng Games and Amusements Board (GAB) ang premyadong beach volleyball league sa pagbabalik ng kanilang conference sa Enero.
Ayon kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, ilang serye nang pagpupulong ang naganap sa pagitan ng BVR organizers, sa pangunguna ni Charo Soriano, at GAB Legal Division chief Atty. Emar Benitez kung saan tinanggap ng beach volleyball group ang mga programa at benepisyo sa pangangasiwa ng GAB.
“They’re ready to turn pro. For their next conference next year, officially pro na ang liga nila,” pahayag ni Mitra. “Masaya po kami sa GAB at naipapaunawa naming sa kanila at kanila naming tinutugunan ang aming panawagan,” aniya.
Nitong Biyernes, sa joint media conference via Zoom, ipinahayag ng GAB ang pormal na pagiging pro league ng PVL matapos ang mahigit isang dekada, kabilang na ang pagiging Shakey’s V-League, na paglalaro bilang amateur.
“With the support and approval of team owners, the PVL decided to turn pro,” pahayag ni PVL president Ricky Palou.
Bunsod nito, ang PVL ang kauna-unahang women’s volleyball league na nagging professional at ikalawang women’s sports league sa kasaysayan ng bansa matapos ang naunang desisyon ng Women’s National Basketball League (WNBL).
Mismong ang mga volleyball star na tulad nina Soriano at Allyssa Valdez ay nagpahayag ng kasiyahan sa naturang desisyon ng PVL na anila’y tapik sa balikat para sa seguridad, development at kabuhayan ng mga volleyball players.
“Turning pro may add to the luster [of the PVL], advertising value, longevity and popularity,” pahayag ni Mitra.
Inilunsad bilang Shakey’s V-League noong 2004 bago nagpalit ng pangalan noong 2017, nagdesisyon ang PVL na magsumite ng aplikasyon para maging professional league matapos ang nagkakaisang boses ng mga team owners ng Creamline, Choco Mucho, PetroGazz, BanKo Perlas at Motolite.
Ayon kay Mitra, bukas ang GAB sa anumang pakikipagtalakayan sa iba pang liga tulad ng Philippine Super Liga (PSL) na pinangangasiwaan ni athletics chief Philip Ella ‘Popoy’ Juico at ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ni Senator Manny Pacquiao
-Edwin G. Rollon