ISANG nakagigising na pagtataya ang inilabas ng World Health Organization nitong nakaraang linggo hinggil pagbuo ng bakuna laban sa COVID-19. Sinabi ng WHO na “it did not expect widespread immunization against the novel coronavirus until mid-2021.” Inilabas ang pahayag matapos ang serye ng positibong mga balita mula sa iba’t ibang bansa na nag-uunahan na makapag-develop ng isang bakuna na pipigil sa coronavirus na nakahawa na sa higit 27 milyon tao sa buong mundo at kumitil sa buhay ng halos 900,000.

Isang linggo bago ito, inabisuhan na ng US Centers for Disease Control and Prevention ang mga public health officials ng mga estado na maghanda sa pamamahagi ng coronavirus vaccine sa huling bahagi ng Oktubre o unang bahagi ng Nobyembre, ”just in case” handa na bakuna. Siyempre, maaaring nangangahulugan ito na malapit ng mabuo ang isang bakuna o baka may kinalaman ito sa nalalapit na presidential election sa Nobyembre.

May positibong pagbabago rin sa inisyal na bahagi ng trial ng ilang kumpanya. Pawang nag-ulat ng magandang resulta sa kanilang inisyal na pagsusuri ang mga kumpanya ng AstraZeneca PLC, isang British-Swedish multinational pharmaceutical company, Moderna, Inc., na nakabase sa Cambridge, Massachusetts, Pfizer, Inc. at BioNTech SE, isang US-German collaboration, Sinovac Biotech Ltd. ng China, at ang Paris-based Sanofi.

Nito lamang nakaraang buwan, inanunsiyo ni Russian President Vladimir Putin na nakapag-develop na ang kanyang bansa ng isang COVID-19 vaccine na pinangalanang “Sputnik V” na “passed all the required checks.” Susundan naman ito ng paglalabas ng ulat ng mga Russian scientist na nagsasabing nagpakita ng senyales ng immune response ang bakuna sa unang mga pagsusuri.

National

'VP Sara, bawas-bawasan pagiging Sara the explorer!'—Usec. Castro

Nakabubuhay ng loob ang mga resultang ito lalo na kung ikokonsidera na sa ilalim ng normal na kondisyon, inaabot ng ilang taon bago makabuo ng bakuna. Ngunit nasa pambihirang pagkakataon tayo. Napakaraming tao na ang nahawa ng coronavirus at sumira sa maraming ekonomiya. Mas maaga mas maganda na makabubuo tayo ng bakuna para sa atin lalo na upang mabawi ang mga nawala sa atin.

Gayunman, dapat din nating ikonsidera ang payo ng WHO nang magbabala ito laban sa “approving a vaccine before its full risks and benefits are clear”. Kanakailangan na natin ito ngunit hindi wala tayong dapat lampasan. Idinisenyo ang mga trial upang masiguro ang kaligtasan at kabisaan. Tandaan, na hindi tulad ng gamot, ang bakuna ay kalimitang ibinibigay sa mga malulusog na tao at hindi dapat magdulot ng panganib. Ligtas na nagagamit ang maraming bakuna dahil dumaan ito sa masusing at mahabang pagsusuri.

Habang naghihintay sa ligtas at epektibong bakuna, umaasa akong naghahanda na ang ating pamahalaan ng isang komprehensibong plano kung paano maipapamahagi ang bakuna kapag naging available na ito. Ngunit ang katotohanan, sa suhestiyon ng mga eksperto, kahit pa maaprubahan ang bakuna hindi pa magkakaroon ng sapat na doses (sa inisyal na bahagi) na sasapat upang mabakunahan ang lahat. Nakatitiyak ang kawalan ng katiyakan at baka nga maging isyung politikal pa ang pamamahagi nito.

Sa rasong ito, kailangang maging handa ng pamahalaan sa pagdedesisyon kung paano maglalaan at ipamamahagi ang bakuna. Hindi tayo puwedeng bumuo ng plano kapag nandiyan na ang bakuna. Kailangan nating itong gawin ngayon. Natutuwa ako na naglaan na ang Kongreso ng P10-billion standby fund pambili ng bakuna. Dagdag pa, sinabi ng kaibigan kong si Finance Secretary Carlos Dominguez III na plano ng pamahalaan na bumili ng 40 million doses ng bakuna na nagkakahalaga ng P20 billion.

At ito ang katanungang kailangang sagutin ng pamahalaan—paano nila ipamamahagi ang bakunang binili gamit ang pondo ng publiko? Sino ang dapat maging prayoridad? Papayagan ba nilang bilhin ng pribado ang bakuna (kung ikokonsidera ang inisyal nitong kakulangan)? At higit sa lahat, ano ang magiging basehan para sa alokasyon nito? Bukod sa pagbuo ng panuntunan, kailangan ding maghanda ng mga ahensiya ng pamahalaan ng logistic plan para sa aktuwal na pamamahagi ng bakuna sa pinakamainam at organisadong paraan.

Sang-ayon ang mga siyentista na ang alokasyon ng bakuna ay dapat nakapaloob sa tatlong pangunahing salik: mabawasan ang “most severe health effects” ng COVID-19, mabawasan ang tala ng pagkahawa o transmission, at makapagpapabalik ng ekonomiya sa normal nitong takbo.

Naniniwala akong napakarisonableng salik ang nabanggit na dapat gumabay sa ating plano sa pamamahagi ng bakuna. Dumating man ito ngayong taon o sa kalagitnaan ng susunod na taon, kailangan nating bumuo ng plano upang masiguro na maipatutupad ito ng tama. Hindi natin gusto na magkaroon ng kalituhan at gulo kapag dumating na ang bakuna.

-Manny Villar