ISA sa malaking misteryo ng coronavirus ay kung gaano ito kabilis na kumalat sa mundo.
Una itong umusbong sa central China at sa loob lamang ng tatlong buwan ay kumalat ito sa iba pang mga kontinente maliban sa Antarctica, na nagpahinto sa buhay ng milyun-milyong tao. Ang bilis nang naging pagkalat nito ay isang bagay na nagpapahirap sa mga siyentista, nagpapalito sa mga awtoridad at nagpapahina sa pagsisikap na maagang mapigilan ang pagkalatng virus —lumalabas na maaaring maikalat ang virus ng isang “seemingly healthy people.”
Sa pagbabalik ng mga manggagawa sa opisina, paghahanda ng mga bata sa muling pagbubukas ng paaralan at pagkasabik ng ilan na makabalik sa normal at muling makabisita sa mga mall at restaurant, umuusbong ang mapanganib na realidad: Kung maaaring maipasa ng “mukhang malulusog” na tao ang sakit, maaring imposible itong mapigilan.
“It can be a killer and then 40 percent of people don’t even know they have it,” pahayag ni Dr. Eric Topol, pinuno ng Scripps Research Translational Institute. “We have to get out of the denial mode, because it’s real.”
Isiniwalat ng mga mananaliksik ang nakakatakot na posibilidad ng “silent spreading” ng virus sa pamamagitan ng mga asymptomatic at presymtomatic carriers. Ngunit kung gaano kalaki ang nagiging papel ng mga mukhang malulusog na tao sa paglobo ng bilang ng mga nahahawa ng sakit ay nananatiling kuwestiyon—at isa sa tuon ng mga pananaliksik.
Maaaring buksan ng maliit ngunit mapanganib na coronavirus ang human cell, magpalakas at lumikha ng libu-libong kopya nito sa isang araw lamang. Lumulubo na ang lebel ng virus sa isang tao bago pa ito makaranas ng pag-ubo, kung magkaroon man ang isang apektado. At ang ikinatataka ng mga siyentista, tinatayang 4 sa sampung nahawang tao ang hindi nagkakaroon ng sintomas.
“For control, to actually keep the virus from coming back, we’re going to have to deal with this issue,” paliwanag ni Rein Houben, isang disease tracker sa London School of Hygiene and Tropical Medicine.
Ang katakot-takot na higit 600,000 bilang ng pagkamatay sa coronavirus sa mundo ay tila naisasantabi sa pagluluwag ng mga siyudad sa restriksyon. Ngunit ang mapanlinlang na katangian ng virus ay nananatili sa isip ng maraming siyentista, na nasasaksihan ang muling pagbubukas ng mga lungsod, nag-iisip kung ano ang mangyayari kung hindi natukoy ang mga “silent spreader” hanggang sa maging huli na ang lahat.
Madaling malalampasan ng mga biyahero na walang ubo ang mga airport screen. Hindi naman mapipigilan ng temperature checks ang mga manggagawang walang lagnat. Habang ang mga tao na hindi nakararamdam ng pagod at sakit ay dadalo pa rin sa mga business meeting.
At maaaring magkaroon ulit ng outbreak.
FIRST HINTS
Enero pa lamang, may mga senyales na nagpapakita na maaaring magdala ang tao ng virus nang walang nakikitang sintomas. Isang 10-taong gulang na batang lalaki sa China na nagtungo ng Wuhan ang hindi nakitaan ng sintomas ngunit nagpositibo sa test kasama ng anim pang kapamilya nito na may sintomas ng ubo at lagnat. Higit na nakagagambalang ulat mula sa Germany: Isang negosyante na nagtungo sa China ang nakahawa ng virus sa kanyang mga katrabaho sa Munich, kahit pa mukha itong malusog.
Gayunman, nananatiling hindi kumbinsido ang maraming siyentista.
Ang konsepto ng tao na hindi namamalayang naikakalat na pala niya ang virus ay hindi madaling maunawaan, mula pa sa polio epidemic noong mid-century sa Amerika hanggang sa pagkalat ng HIV makalipas ang ilang dekada.
Sa pagsapit ng ika-20 siglo, isang mukhang malusog na New York cook, si Mary Mallon, ang nag-iwan ng nakamamatay na bakas ng typhoid infection na nakahawa sa publiko at nagtulak sa kanya upang mapilitang mag-qaurantine sa isang East River island. Nananatiling simbolo ng “silent spread” ang “Typhoid Mary.”
Sa pag-usbong ng COVID-19, inakala ng mga health official na katulad lamang ito ng mga nauna nang coronavirus at makikita ang pagkahawa ng tao kapag nakitaan ito ng sintomas ng ubo at lagnat, na hindi mabilis ang pagkahawa.
“We were thinking this thing is going to look like SARS: a long incubation period and no transmission during the incubation period,” pahayag ni Lauren Ancel Meyers, isang disease modeler saUniversity of Texas at Austin.
Sa mga paliparan sa U.S., hindi hinaharang ang mga biyahero na nanggaling sa mga hot spots na bansa tulad ng China, kung hindi ito nagpapakita ng sintomas.
Sa likod ng mga sitwasyong ito, ibinabahagi ng mga siyentista tulad ni Meyers ang nakababahalang resulta ng pag-aaral sa mga health officials.
Bumuo si Meyer ng isang grupo ng mga mag-aaral na nagsasaliksik sa mga websites ng Chinese health departments, upang hanapin ang mga petsa ng paglabas ng mga sintomas sa mga sitwasyong may sapat na impormasyon upang matukoy kung sino ang nakahawa sa isa.
Sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 8, nakita nila ang ilang kaso kung saan ang taong nagdala ng virus sa isang tahanan ay hindi nagkaroon ng sintomas hanggang sa mahawaan na niya ang isang miyembro ng pamilya.
Matapos matuklasan ang higit 50 katulad na kaso, agad itong ibinahagi ni Meyer sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention —noong Pebrero 20. Tumugon naman ang ahensiya makalipas ang ilang oras at nagbigay ng mga tanong. Ganito ba kabilis kumalat ang virus bago makaramdam ng sakit ang tao?
SILENT SPREAD
Kung wala ang malawakan at madalas na testing, imposible na malaman kung gaano karaming tao na walang sintomas ang may coronavirus. Maraming siyentista ang nahikayat na pagtuunan ang kaso ng Diamond Princess, na nakatigil sa Port of Yokohama, Japan, kung saan nagkaroon ng outbreak sa loob.
Matapos magpositibo ang isang may sakit na pasahero, tanging ang mga may sintomas lamang ang unang sinuri. Nagpasya ang grupo ni Houben na bumuo ng isang mathematical model upang mataya kung gaano karaming apektadong pasahero na walang sintomas ang nakakaligtaan. Makalipas ang apat na linggo, lumabas sa model nila na “startling three-quarters of infected people on the Princess were asymptomatic.”
Maging ang grupo ni Houben ay hindi makapaniwala sa resulta. Nangamba sila na baka may mali sa proseso. Ngunit matapos ang ilang linggong pagsisiguro na “foolproof” ang model. Tama nga ang lumabas na resulta. “Asymptomatic carriers may contribute substantially to transmission.”
Sa Washington, nakitaan din ng katulad na senyales ang outbreak na nangyari sa Life Care center kung saan natuklasan na naikalat ng mga health care workers ang virus sa mga matatandang nakatira sa pasilidad.
Sa isang outbreak na ikinokonekta sa isang nightclub sa South Korea, lumalabas na higit 30% ng kaso ang asymptomatic. Habang sa isang maternity ward sa New York, nasa 88% ng nagpositibo ang hindi nakitaan ng sintomas.
UNANSWERED QUESTIONS
Ang ilong at bibig ay isang madaling daan upang makapasok ang coronavirus. Kapag nasa loob na ito, idinidikta ng virus sa cell na kopyahin ang sarili nito, habang nilalabanan ang immune defenses ng katawan. Lumulobo ang lebel ng virus sa upper airway ng katawan, nang hindi nagkakaroon ng sintomas sa mga unang araw ng impeksyon. Naniniwala ang mga siyentista na sa mga yugtong ito, naikakalat ng tao ang virus sa pagsasalita, paghinga, pagkanta o paghawak sa mga bagay.
Sa mga asymptomatic, natatalo ng immune system ang virus bago pa sila makaramdam ng sakit.
Habang nagiging malinaw na maaaring maikalat ng malulusog na tao ang virus, hindi na hinintay ng U.S health authorities na matiyak ang pagsusuri. Sa isang pagpupulong noong Marso, sinabi ng U.S top health officials na naniniwala silang nangyayari ang transmission bago pa magpakita ng sintomas ang mga tao. Ilang linggo makalipas, inirekomenda ng CDC sa mga tao na takpan ang kanilang ilong at bibig kung lalabas sa paggamit ng masks, bandannas, o maging T-shirt.
Makalipas ang ilang araw, inilabas ng mga Chinese researcher ang isang papel na nagsasabing pinaka nakahahawa ang pasyente sa dalawa hanggang tatlong araw bago ito makitaan ng sintomas. Patuloy na dumarami ang ebidensiya, at sa pagtataya ng CDC nasa 40% ng pagkahawa ay nangyayari bago pa makaramdam ng pagkakasakit ang tao.
Lumabas naman sa isang maliit na pag-aaral sa China na inilabas noong Mayo 27, na naitatago ng isang apektadong pasyente ang virus na walang sintomas, sa loob ng ilang araw kumpara sa mga may sintomas, 9 na araw vs. 15 araw.
Gayunman, nananatili ang pagdududa sa ilang mga siyentista, lalo na sa World Health Organization, na binalewala ang halaga ng asymptomatic infection. Sa nakalipas na mga buwan, iginigiit ng WHO na hindi dahilan ang asymptomatic spread sa pandemic ngunit kamakailan ay unti-unti na ring kinikilala ang posibilidad na ito at inabisuhan ang mga tao na magsuot ng mask.
Sinisisi ng mga U.S health officials ang China na pagkaantala ng pagbabahagi ng mga impormasyon sa silent spread. Ngunit iginiit ni Topol na maaaring magsagawa ang U.S ng sarili nitong testing program gamit ang viral genome sequencing.
Hindi ito isang maliit na bagay: “Gaining scientific clarity earlier would have saved lives.”