NAKITAAN ng senyales ng muling pagtataya at pag-aaral ang mga gobyerno sa mundo sa kanilang nagiging tugon sa coronavirus, tulad ng sinabi ng Los Angeles mayor na tila naging mabilis ang desisyon ng kanyang siyudad na buksan ito, ang pag-aalala ng Ohio governor na ang kanyang estado ay “going the wrong way,” pagpapatupad ng Hong Kong na mas mahigpit na patakaran sa pagsusuot ng face masks at ang pagsasara ng Spain sa mga overcrowded beaches nito.
Inihayag ni Los Angeles Mayor Eric Garcetti ang posibilidad ng pagpapatupad ng malawakang stay-at-home orders sa Los Angeles dahil sa patuloy na tumataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso. Nitong Sabado iniulat ng California ang ikaapat na pinakamalaking dagdag na datos sa loob ng isang araw, na mahigit 9,000.
Patuloy na lumulobo ang bilang ng mga naitatalang kaso sa mga estado ng US kabilang ang California, Florida, Texas at Arizona, na isinisisi ng marami sa “haphazard, partisan approach” sa pag-aalis ng lockdown gayundin ang pagtanggi ng ilan na magsuot ng mask.
Sa kaso ng buong mundo, sinabi ng World Health Organization na may 259,848 bagong kaso ng virus ang naitala nitong Sabado, ang pinakamataas na tala sa loob lamang ng isang araw. Sa India, na mayroon nang mahigit 1 milyong kaso, nakapagtala ang bansa nitong Linggo ng 24-hour record na 38,902 bagong kaso.
Sinabi ni Pope Francis na “the pandemic is showing no sign of stopping” at hinikayat ang lahat na magpakita ng compassion para sa mga nagdurusa sa virus na pinalala pa ng mga kaguluhan.
Sa Europe, kung saan malayo na ang naitatalang kaso sa pinakamataas na naitala (peak) ngunit nagdudulot pa rin ng pangamba ang mga local outbreak na nangyayari, patuloy pa rin ang pagtatawaran ng mga lider ng 27-nasyon ng European Union sa ikatlong araw sa Brussels hinggil sa mungkahing 1.85 trillion-euro ($2.1 trillion) EU budget at coronavirus recovery fund.
Sinabi ni German Chancellor Angela Merkel na “there’s a lot of good will, but there are also a lot of positions” na kailangan pang pag-usapan, tulad ng Italy at Spain na kailangang matulungan. Sinabi niyang posibleng matapos ang summit na walang mabubuong kasunduan.
Umabot na sa mahigit 603,000 ang naitatalang pagkamatay dulot ng virus sa buong mundo, ayon sa datos na kinalap ng Johns Hopkins University. Nangunguna ang United States sa listahan na may mahigit 140,000, kasunod ang higit 78,000 sa Brazil. Habang ang kontinente ng Europe ay may nasa 200,000 bilang ng namatay.
Lumampas na sa 14.3 milyon ang bilang ng kumpirmadong kaso sa buong mundo, kung saan 3.7 milyon ay mula sa United States at higit 2 milyon sa Brazil. Naniniwala naman ang mga eksperto na mas mataas pa ang tunay na bilang dahil sa kakulangan ng testing at isyu sa koleksiyon ng datos.
Kahit pa malaking bahagi ng pandemya ang unti-unti nang nakontrol, ang pag-usbong ng bagong mga outbreak ay nagtutulak sa mga bansa na muling ibalik ang mga restriksyon.
Matapos ang paglobo ng kaso kamakailan, ipinatupad ng Hong Kong ang mandataryong pagsusuot ng face mask sa lahat ng mga pampublikong lugar at ipinag-utos sa mga non-essential civil servants ang work from home. Sinabi ni Hong Kong leader Carrie Lam na “critical” na ang sitwasyon ng Asian financial hub at hindi niya nakikita na agad itong makokontrol.
Limitado naman ngayon ang access ng mga pulis ng Barcelona sa mga sikat na beaches ng siyudad dahil sa pagsuway ng mga tao sa social distancing at ang muling paglobo ng kaso.
Maging ang mga slaughterhouses ay nagkumpirma rin ng outbreak sa sakit sa U.S., Germany at iba pang mga lugar. Sa Germany, iniulat ng mga awtoridad na 66 na manggagawa sa isang katayan ng manok ang nagpositibo sa coronavirus, bagamat karamihan ay nahawa naman sa kanilang free time. Una nang naulat ang pagputok ng outbreak sa isang slaughterhouse sa western Germany kung saan umabot sa 1,400 ang nagpositibo.
Muli ring tumataas ang kaso ng virus sa estado ng Victoria sa Australia, na nagtulak upang ipatupad ang pagsusuot ng masks sa Melbourne at kalapit na distrito ng Mitchell.
-Associated Press