NASA 9.7 milyong bata sa buong mundo “could be forced out of school forever” sa pagtatapos ng taon, bilang resulta ng tumataas na kahirapan at pagtapyas sa budget dahil sa nagpapatuloy na coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic, babala ng London-headquartered charity Save the Children nitong Lunes.
Sa 12 bansa, karamihan sa West at Central Africa kasama rin ang Yemen at Afghanistan, malaki ang tiyansa na hindi na makabalik pa sa paaralan ang mga bata matapos ang lockdown, habang nasa 28 bansa pa, ang nasa high o moderate risk, pahayag ng charity sa isang ulat inilabas sa kanilang website.
Sa pagpapatupad ng lockdown dahil sa pandemic umabot sa 1.6 bilyong mga bata ang tumigil sa pag-aaral sa buong mundo, ayon pa sa ulat.
Inilarawan bilang isang “unprecedented education emergency,” sinabi ni Inger Ashing, CEO ng Save the Children, na: “We know the poorest, most marginalized children who were already the furthest behind have suffered the greatest loss.”
Sa isang mid-range budget scenario, ilan sa pinakamahihirap na bansa sa mundo ang malulugmok sa tinatayang $77 billion shortfall sa edukasyon sa susunod na 18 buwan, habang sa mga bansa na ginamit ng pamahalaan ang budget ng edukasyon para labanan ang COVID-19, tinatayang aabot ang tala sa $192 bilyon sa pagtatapos ng 2021, base sa ulat.
Nagpahayag ng pagkabahala si Ashing na ang pagkatapyas ng budget ay higit pang magpapalawak sa agwat ng mayaman at mahirap, at sa pagitan ng mga lalaki at babae,
Tumaas ang panganib ng gender-based violence sa mga babae, child marriage at teen pregnancy sa pagsasara ng mga paaralan, ayon pa rin sa ulat.
Upang matugunan ang suliraning ito, hinikayat ng Save the Children, may 29 national members sa buong mundo, ang pamahalaan at mga donors na itaas ang budget para sa edukasyon, kung saan may nakalaan dapat na $35 bilyon sa World Bank.
Nanawagan din ang ahensiya sa ulat nito sa mga commercial creditors na suspindehin muna ang debt repayments sa mga low-incomena bansa.
PNA