MAHIGIT 111,000 mga lokal na empleyado at mga overseas Filipino workers (OFWs) ang apektado ng ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) outbreak.

Base sa Job Displacement Monitoring Report ng Department of Labor and Employment’s (DOLE) nitong Lunes, umabot na sa kabuuang 111,780 ang mga lokal na manggagawa at mga OFW, na karamihan ay mula sa siyam na rehiyong apektado ng ipinatutupad na community quarantine.

Sa nasabing bilang, 108,620 manggawa ang mula sa 2,317 establisyamento na apektado ng ipinatutupad na Flexible Work Arrangements (FWAs) at Temporary Closure (TC).

Iniulat din ng DOLE ang nasa 889 establisyamento na may 41,311 manggagawa ang nagpatupad ng FWA habang nasa 368 na kumpanya nagbawas ng trabaho, na nakaapekto sa 15,556 mangagawa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabilang banda, 225 kumpanya naman ang nagpatupad ng forced leave, kung saan nasa 9,941 mangagawa ang walang trabaho habang nasa 58 iba pang kumpanya na may 3,655 empleyado ang apektado ng anti-virus measures.

May 600 establisyamento rin ang pansamantalang nagsara, na nakaapekto sa 30,796 manggagawa, habang wala namang naiulat na nagpatupad ng permanenteng pagsasara ayon sa labor department.

Samantala, lumalabas din sa ulat na 3,169 OFW ang repatriated, displaced o stranded dahil sa travel restrictions.

Kabilang sa mga apektadong negosyo ang nasa manufacturing, hotels and restaurants, at tourism-related sector, ayon sa DOLE.

Ang siyam na rehiyong nag-ulat ng temporary displacements ay ang National Capital Region (NCR), Region 3 (Central Luzon), Region 4-A (CALABAZON), Region 6 (Western Visayas), Region 7 (Central Visayas), Region 11 (Davao Region), Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 12 (SOCCSKSARGEN), at Region 4-B (MIMAROPA).

Una nang inirekomenda ng pamahalaan ang pagpapatupad ng FWA sa mga establisyamento upang makatulong na mabawasan ang bigat na epekto ng COVID-19 pandemic para sa kumpanya at sa kanilang mga empleyado.

PNA