HINDI pa tapos ang pamimili ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para maging contender ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight king Jerwin Ancajas.
Ayon kay Joven Jimenez, chief handler at head trainer ni Ancajas, walang pang napipisil na fighter ang Top Rank na pasok sa kalidad ng Pinoy champion,ngunit nagbigay ito ng deadline sa Abril 11 para dito.
“Nagdedepende kami sa matchmaker naming si Sean Gibbons at sa Top Rank kung anong plano nila o kung sino ang gusto nilang ipakalaban nila kay Jerwin,” pahayag ni Jimenez.
“Kami naman okey lang kahit sino. Handa naman si Jerwin dyan,” aniya.
Tanging sinuguro ng Top Rank sa kampo ni Ancajas na magaganap ang susunod na laban sa Amerika.
Kasalukuyang nasa Las Vegas si Gibbons para ayusin ang anumang gusot sa nakatakdang laban ni Ancajas.
Kasalukuyang hawak ng 27-anyos na si Ancajas ang kanyang 32-1-2 win-loss-draw ring record kasama ang 22 knockouts.
Itataya ni Ancajas ang kanyang suot na IBF super flyweight sa pang-siyam na sunod na pagkakataon.
Nauna nang nadiskaril ang bakbakan sana nina Ancajas at Jonathan Rod¬riguez ng Mexico noong Nobyembre sa Carson, California matapos mabigo ang Mexican na makakuha ng US visa.
Inilipat ng Top Rank si Ancajas sa isang laban noong Disyembre 7 sa Puebla, Mexico kung saan siya umiskor ng isang sixth-round KO win kontra kay Chilean Miguel Gonzalez.
Nagsasanay ngayon si Ancajas sa Dipolog City sa rest house ni Gilbert Cruz, may-ari ng Big Boss Cement at Petra Cement.