HINDI malayo na dahil sa pamiminsala ng tatlong sunud-sunod at malalakas na lindol na yumanig sa Mindanao kamakailan, nadama rin ng ating mga kapatid na biktima ng naturang trahedya ang nakakikilabot na pamiminsala naman ng bagyong Yolanda sa Visayas, may ilang taon na ang nakakaraan.
Nangangahulugan na ang bangungot, wika nga, ng nasabing pinakamalakas na bagyo na dumaluhong sa Samar-Leyte ay nadadama ngayon ng mga earthquake victims sa Cotabato at mga kanugnog na lugar.
Magugunita na ang pananalanta ng bagyong Yolanda ay naging dahilan ng kamatayan ng libu-libo nating mga kababayan sa Visayas; marami sa kanila ang nalibing nang buhay na hanggang ngayon ay natitiyak kong ipinagluluksa pa ng kani-kanilang mga mahal sa buhay. Bukod pa rito ang katakut-takot na mga bahay, gusali at iba pang ari-arian na nawasak at mistulang naging bahagi ng kapatagan.
Dumagsa ang mga tulong hindi lamang mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kundi maging sa iba’t ibang bansa na talaga namang kagyat na sumaklolo sa mga biktima ng trahedya. Isinunod kaagad ng pamahalaan ang puspusang rehabilitasyon sa mga nasalanta sa pamamagitan ng pagtatayo ng pabahay at pagkakaloob ng mga relief goods sa mga nangangailangan, lalo na ang mga biktima na tila hanggang ngayon ay nananatili pa sa mga evacuation centers.
Nakalulungkot nga lamang at tulad ng lumutang na mga haka-haka, ang pagsaklolo sa mga biktima at pagtatayo ng mga pabahay ay sinasabing nabahiran ng mga kapabayaan at alingasngas – mga housing projects na nauntol at mga relief goods na umano’y ipinagkait sa mga biktima, mga tulong na umano’y nangabulok lamang. Ang mga alegasyon at sapantahang ito, kung totoong umiral, ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga awtoridad.
Ganito rin ang pagbaha ng tulong para naman sa mga biktima ng malalakas na lindol sa Mindanao. Nakatutuwang mabatid na ang malalaking korporasyon na pag-aari ng multi-bilyonaryong mga negosyante ay nagkaisang magbuhos ng katakut-takot na ayuda sa earthquake victims. Kabilang dito ang paglulunsad ng malawakang rehabilitasyon ng gumuhong mga bahay at gusali, lalo na ang mga paaralan.
Maging ang iba’t ibang kalapit na bansa ay nagpahayag na rin ng pagtulong sa mga biktima. Si Japanese Prime Minister Shinzo Abe, halimbawa, ay nangako kay Pangulong Duterte ng tulong nang sila ay magkita sa pagpaparangal sa Hari ng naturang bansa.
Naniniwala ako na nadadama ngayon ng mga earthquake victims sa Mindanao ang mga pagkabalisa at traumatic experience na sumaklot naman sa mga typhoon victims sa Visayas. Sana, iyon lamang ang kanilang madama at hindi ang Yolanda nightmares o bangungot na sinasabing mistulang pagkawawa sa typhoon victims.
-Celo Lagmay