Inanunsyo sa publiko ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbibigay nila ng 50% na discount para sa lahat ng pasahero ng MRT-3 at LRT-2 mula sa darating na Lunes, Marso 23, 2026.
Ayon sa naging pahayag ng DOTr sa kanilang Facebook page nitong Huwebes, Marso 19, 2026, sinabi nilang matapos sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na magbigay ng diskwento sa mga pasahero sa MRT at LRT.
“At sa MRT at saka LRT ay magdidiskwento po tayo doon sa pamasahe. Bukod pa doon, sa mga toll road ay mayroon din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taong-bayan sa paggamit ng mga toll road,” saad ni PBBM sa inupload niyang video statement noong Miyerkules, Marso 18, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, inanunsyo libreng-sakay, diskwento sa pamasahe
Dahil dito, iniutos umano ni DOTr Sec. Giovanni “Banoy” Lopez sa kanilang ahensya ang pagbibigay ng 50% diskuwento para sa lahat ng pasahero upang makatipid daw ang mga bumabyahe sa pamamagitan ng pagsakay sa tren, sa halip na gumamit ng pribadong sasakyan at kumonsumo ng langis.
“Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng gulo sa Middle East. Prayoridad natin ang tuloy-tuloy na biyahe at mas murang pamasahe kaya magbibigay tayo ng 50% discount sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat,” ani Lopez.
Samantala, kaugnay ng 50% diskwento para sa lahat ng pasahero ay epektibo pa rin ang 50% din na diskwento para sa white beep cards para sa senior citizens, persons with disability (PWD), at mga estudyante.
Para naman sa mga regular na pasahero, maaari rin daw gamitin ang blue beep cards upang automatic na makakuha ng 50% na diskuwento at pati na rin sa single journey tickets.
“Para sa mga regular na pasahero, magagamit din ang blue beep cards para sa automatic na 50% discount. Para naman sa mga walang beep cards, pwedeng bumili ng single journey tickets na naka-50% discount din,” anang DOtr.
Pagpapatuloy ng DOTr, kasalukuyan na raw silang nakikipag-ugnayan sa LRT-1 upang magbigay rin ito ng parehong diskwento sa kanilang pasahero, dahil pribado raw na kumpanya ang nagmamay-ari nito.
“Kasalukuyan namang nakikipag-usap ang DOTr sa LRT-1 management kaugnay ng pagbibigay ng parehong discounted na pamasahe sa kanilang train line. Ang LRT-1 ay pinatatakbo ng pribadong kumpanyang Light Rail Manila Corporation,” pagtatapos nila.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!